Advertisers
LAGUNA – Apat na bangkay ang natagpuan sa magkakahiwalay na lugar na kinabibilangan ng magkapatid at magtiyuhin sa baybayin ng Lawa ng Laguna matapos malunod ang mga ito sa Ilog Mariano sa Barangay Dela Paz, Binan City.
Sa inisyal na ulat ni PLt. Col. Giovanni Martinez, hepe ng pulisya, nakilala ang magkapatid na nasawi na sina Josephine Incomio, 15; nakababata nitong kapatid na si Marycris, 13; magtiyuhin na sina Mark Anthony Atienza, 22, may problema sa pag-iisip; at pamangkin nitong si Jasmin Baguio, 6, pawang residente ng Dimaranan Subd sa Bgy. De La Paz. Nabatid na nalunod ang apat Lunes ng hapon, alas-3:00, matapos utusan ng ina si Atienza na puntahan ang kanyang ama sa Lawa para dalhan ng damit.
Lingid sa kaalaman ng ina, isinama ni Atienza ang kanyang apo na 6-anyos at magkapatid na Incomio. Sumakay ang mga ito sa sirang refrigerator na ginawang balsa dahil lubog parin sa baha ang kanilang barangay.
Makalipas ang ilang oras na paghihintay, malamig na bangkay na ang apat nang matagpuan pasado 12:00 ng madaling-araw .
Magkakasunod na narekober ang mga labi ng biktima ng mga miembro ng Binan Rescue Team, pamunuan ng Barangay, at pulisya matapos ang mahigit walong oras na paghahanap sa mga ito sa baybarin ng lawa. (Dick Garay)