Advertisers

Advertisers

‘WAG ATAT SA PASKO, ‘WAG BIBIRUIN SI COVID, TOTODASIN KAYO NYAN – ISKO

0 307

Advertisers

“WAG kayong excited sa Pasko dahil sigurado ako, ang Pasko darating. Di lang ako sigurado kung makikita mo pa ang Pasko. ‘Wag atat… ‘wag n’yo bibiruin si COVID dahil di siya nagbibiro. Totodasin kayo nyan at lahat ng pagsisisi nasa huli.”

Ito ang seryosong babala ni Manila Mayor Isko Moreno, kasabay ng pagpapahayag niya ng kalungkutan sa dami ng mga Manileño na nagiging pabaya dahil sa mga ginagawang inuman sa loob at labas ng kanilang mga bahay, pagsasagawa ng kabilaang parties na akala mo ay wala na ang COVID-19.

“Marami pang Pasko, Bagong Taon at piyestang darating. Bakit ba kayo atat? Bakit ba tayo nagmamadali? Mag-disiplina kayo at pagmalasakitan ang inyong sarili dahil ‘yung kinabukasan ng mga anak natin na pinagsisikapan nating mairaos ang mapapariwara pag nawala tayo sa mundong ibabaw,” giit ng alkalde.



Sinabi ni Moreno na ang disiplina at pagsunod sa health protocols ay dapat gawin anumang oras at kahit saang lugar at dapat na nakatanim sa isipan ng lahat na mayroon pang pandemya na dala ng COVID-19 at nanatili itong nakamamatay at papatay ng buhay ng marami.

“Magdugo na ang tenga ninyo sa kakaulit ko. Pinaaalalalahanan ko kayo na may panganib pa,” dagdag ni Moreno.

Ayon sa alkalde, ang paulit-ulit na panawagan ay nagmula sa kanya, dahil na rin sa mga malulungkot na kuwento base sa tunay na karanasan ng mga pasyenteng gumaling at nakikipaglaban pa sa COVID-19 sa kabila ng patuloy niyang payo na huwag paniwalaan ang mga pinakakalat na tsismis na wala ng COVID-19 at immune na ang mga tao dito.

“Wag maniwala sa kwento ng kapitbahay ninyo na di kayo tatablan ng COVID. Mag-ingat, mag-ingat, mag-ingat. Ang alak ‘wag nyo gawing juice. Para kayong mauubusan ng espiritu. Sigurado ako, mawawala kayo at magiging espritu na lang kayo,” pahayag ni Moreno kasabay ng pagkadismaya nito sa ilan na ginagamit pa ang lamay sa patay para makapag-inuman.

Nagpahayag din ng pagkabahala ang alkalde sa viral video na nagpapakita ng napakaraming tao sa Divisoria at nabalewala na ang physical distancing.



Sa kabila ng panghihikayat ni Moreno na mamili at kumain sa Maynila upang sumigla ang ekonomiya ng lungsod ay pinaalalahanan nya rin ang lahat na laging sumunod sa basic health protocols at iwasan ang overcrowding.

Nanawagan din siya sa mga awtoridad ng simbahan na huwag na huwag papayagan ang mga gawain na aakit ng napakaraming tao tulad ng prusisyon o parada dahil ang kaligtasan at kalusugan ng mamamayan na sinumpaan niyang pangangalagaan ang dapat na mauna sa lahat. (Andi Garcia)