Advertisers
LUBOS na pinasalamatan ni Senator Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte nang dinggin at tuparin ang naging apela niya sa pamahalaan na tulungan ang mga local government unit na matinding naapektuhan ng mga nakaraang kalamidad, partikular ng bagyong Ulysses.
“I welcome his decision to approve the recommendation of DBM, based on my previous appeal, for the release of financial assistance to LGUs severely hit by Typhoon Ulysses by augmenting their respective calamity funds,” ani Go.
Ang pondo ay ikakaltas sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund sa ilalim ng Fiscal Year 2020 General Appropriations Act.
“Isa po ito sa ating inapela sa executive kung paano matulungan ang mga municipalities, cities and provinces na tinamaan po ng typhoon Rolly at Ulysses. Pumayag naman ang Pangulo at inaprubahan niya kagabi,” ayon sa senador.
“Alam naman natin na halos lahat po ng local government units ubos na ang kanilang 5% na calamity fund. Not only because sa calamity na tumama but because of COVID-19 dahil nasa state of calamity tayo at halos lahat sa kanila ginamit na ang calamity fund,” dagdag niya.
Ginawa ni Go ang nasabing apela matapos ang panawagan ng mga apektadong LGUs dahil ang kanilang calamity funds ay natuyot na sa pagresponde sa COVID-19 pandemic at sa nangyaring sunod-sunod na pagbayo ng mga bagyo sa bansa.
Naging positibo rin ang pagtugon ng Executive Branch sa rekomendasyon ni Go na bigyan ng one-time “Bayanihan” financial assistance ang mga local government units sa gitna ng pag-iral ng enhanced community quarantine bunsod ng hamon ng COVID-19 pandemic.
“Umpisa pa lang ng lockdown, ginamit na nila ang kanilang pwedeng agad na galawing pondo para sa pagkain, gamot at pangtulong. Ngayon, depleted talaga at wala na silang magamit nang dumating ang mga bagyo,” ani Go.
Umaabot sa P2 billion ang inilaan sa LGUs na naapektuhan ng Typhoon Ulysses. Sa nasabing halaga, ang P1.5 billion ay agad na inilabas sa matinding sinalantang LGUs para mapalakas ang kanilang ginagawang hakbang sa disaster response, relief, rehabilitation at recovery efforts.
“Bukod rito, mayroon ring 500 million pesos na itinabi ang DBM for incremental financial assistance to the same LGUs and to other affected LGUs that may be identified by NDRRMC and/or DSWD,” sabi ni Go.
“So, more or less po 1% ng kanilang IRA. Ibig sabihin po, ang computation, tulad ng Catanduanes na talagang apektado ng Bagyong Ulysses, bagama’t maliit ang IRA ay malaki ang makukuhang assistance dahil siya talaga ang apektado. Isa pang example, Tabaco City at Legazpi. Bagama’t mas malaking LGU ang Legazpi, malaki rin ang makukuha ng Tabaco dahil sa extent of damage doon,” idinagdag ng mambabatas.
Sinabi ng senador na malaki ang magagawa ng karagdagang pondong ito upang mapunan ang mga pangangailangan ng mga komunidad, lalo’t mayroon pang pandemya at may parating pang mga bagyo sa ating bansa.
Nanawagan si Go sa mga opisyal ng probinsiya na gastusin nang maayos at malinis ang kanilang pondo para masiguro na ang pangangailangan ng kanilang mamamayan ay matugunan.
“Sana po ay makatulong ito sa kanila at magamit ang pera ng tao sa wasto. Gamitin agad para maka-recover. Importante para sa akin pagkain, walang magugutom sa panahong ito dahil kadalasan nawalan ng trabaho ang ating mga kababayan,” ani Go.
Tiniyak ni Go sa LGUs na hindi sila pababayaan ng Pangulo at ng administrasyon sa pagsasabing gagawin nila ang lahat sa abot ng makakaya para matulungang makabangon at malampasan ang mga krisis na hinaharap ng bansa. (PFT Team)