Advertisers
PINAYAGAN na ng Mandaluyong City government ang pagburol para sa mga namamatay na walang kinalaman sa coronavirus o COVID-19.
Sa ilalim ng Executive Order No. 35, series of 2020, inatasan ni Mayor Carmelita “Menchie” Abalos na pahintulutan na ang tradisyon ng mga Pilipino na “burol” para sa mga nasawi ng walang kinalaman sa COVID-19 basta’t mayroon lamang health and safety measures na ipi-presenta.
Ayon kay Mayor Abalos, mahalaga na maibsan ang kalungkutan ng mga naulila sa pamamagitan ng pagdalaw sa mga burol ng kanilang mga yumao upang maipahayag ang kanilang saloobin at mapawi ang nararanasang kalungkutan.
Paliwanag ng alkalde, mahalaga na tratuhin ang mga pamilyang namatayan ng may pakikiramay, respeto, at dignidad upang mapawi ang kanilang nararanasang matinding kapighatian.
Sa mga nasawi naman dahil sa positibo sa COVID-19, awtomatikong ililibing o icre-cremate ito sa loob ng 12 oras pagkamatay, sabi ng alkalde.
Aarestuhin at ikukulong ang sinumang lumabag sa naturang batas sa ilalim ng Section 9 of Republic Act 11332, na nagpaparusa sa mga tao o kompanyang hindi nakikipagtulungan na apektado ng naturang kalusugan o paglabag sa Article 151 of the Revised Penal Code o Resistance and Disobedience to a Person in Authority.(Gaynor Bonilla)