Advertisers
MAAGANG dumating ang Pamasko ng may 8,010 na job order (JO) at contractual na mga empleyado ng lungsod ng Maynila.
Ito ay matapos na pirmahan ni Manila Mayor Isko Moreno ang administration-backed Ordinance No. 8701 na nagkakaloob ng P5K bawat isa bilang financial assistance sa mga nasabing manggagawa.
Ang nabanggit na ordinansa na ipinasa ng lahat ng konsehal sa Manila City Council na pinamumunuan ni Vice Mayor Honey Lacuna bilang presiding officer, majority floorleader Atty. Joel Chua at president pro tempore Jong Isip, ay nagtatakda ng may P49.8 million para sa nasabing layunin.
Ang mga manggagawang contractual at JO ay nire-renew kada anim na buwan at walang gaanong benipisyo na katulad ng mga regular na empleyado.
Ayon kay Moreno, ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga nabanggit na manggagawa sa gitna ng pandemya ay inaasahang makapagpapagaan sa kanilang kalagayan dulot ng krisis na dala ng COVID-19 na nagtulak sa marami sa kahirapan.
“Bagamat hindi sila mga regular na empleyado, ang mga JOs at contractual ay itinuturing na bahagi ng pamahalaang lokal at ang kanilang ambag at pagsisikap ay kinikilala”, pahayag ni Moreno.
Ang mga JOs at contractual employes ay mga manggagawa na inupahan upang gumawa ng tiyak na gawain para sa panahong hindi lalagpas ng anim na buwan.
Sila ay hindi sakop ng alituntunin at reglamento ng Civil Service pero sakop naman ng Commissionon Audit (COA).
Inatasan na ni Moreno si city treasurer Jasmin Talegon upang iproseso ang pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga nasabing manggagawa sa lalong madaling panahon. (ANDI GARCIA)