Advertisers
DALAWANG buwan simula nang ilunsad ang libreng swab tests sa Maynila ay umabot na sa mahigit 50K ang mga residenteng sumailalim dito.
Ito ang inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno na nagsabi rin na nasa 114K naman ang bilang na sumailalim sa serology testing na libre din ipinagkakaloob ng lungsod.
Ang mga nabanggit na pagsusuri ay ginagawa sa drive-thru centers, walk-in centers o mobile clinic ng lungsod na umiikot sa mga barangay na nagrehistro ng mataas na bilang ng kaso ng COVID-19.
Simula pa noong Biyernes ang Maynila ay nakapagrehistro ng 52 confirmed cases, 657 deaths,
417 active cases at 21, 978 ang gumaling.
Ang kabuuang bilang ng sumailalim sa swab tests ay nasa 50,330 at ito ay nangangahulugan na nakalibre sila ng halagang P3,000 hanggang P5,000 bawat isa dahil libre ang serbisyong ito. Samantala ang ‘express lanes’ ay nasa P12,000 – P13,000 ang kaukulang bayad.
Ayon kay Moreno, napakahalaga na matukoy ang mga infected ng virus na mga asymptomatic at mga carriers at contagious pero walang pinapakitang sintomas.
Pinasalamatan ng alkalde ang mga residente ng lungsod na ginagawang disiplinahin ang mga sarili at sumusunod sa itinakdang health protocols dahil nagresulta ito ng 14 percent occupancy rate sa mga city-run hospitals, kung saan ang ibang ospital ay ‘zero covid’ admission. Nasa 20 percent naman ang occupancy rate ng mga quarantine facilities.
Sa kabila ng mga napakagandang pagbabago na ito, walang dahilan para magpabaya ang lahat ng taga-lungsod at dapat ay higit pang pairalin ang disiplina sa sarili at sundin ang payo ng World Health Organization (WHO), Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Health (DOH).
“Wag ninyong isipin na magaan sa Maynila pwede dun magpunta. Sa isa lang nagsimula ‘’yung 30 million na infected ngayon,” ayon kay Moreno.
Sinabi pa ng alkalde na : “No amount of money will ensure recovery from COVID-19”. (ANDI GARCIA)