Advertisers
Ipinag-utos na ni Philippine National Police chief Gen. Debold Sinas na tugisin ang mga illegal logger na nakipagbarilan sa mga pulis sa Cagayan de Oro.
Kaugnay nito, binigyan ni Sinas si Police Lieutenant Randy Baccay, deputy chief of police ng Peñablanca Police Station, Peñablanca sa nasabing lalawigan ng P50,000 bilang medical expense makaraang matamaan ito ng bala ng baril ng mga illegal logger.
Kinasuhan na rin ng direct assault at frustrated murder ang isa sa mga naaresto na si Ernest Sibbaluca y Dabbay, 45, residente ng Peñablanca.
Ayon kay Peñablanca Police Station chief of police Police Captain Rohaina Asalan, may naunang kaso si Sibbaluca noong nakaraang taon na paglabag sa Presidential Decree 705 o Revised Forestry Code of the Philippines.
Ayon kay Police Brigadier General Crizaldo Nieves, regional director of Police Regional Office 2, naganap ang barilan nang pumunta sina Baccay sa Sitio Dalayat, Minanga sa Lagum Peñablanca upang magsiyasat sa iniulat sa kanila na mga kahoy na iligal na pinutol.
Dito na sila pinasalubungan ng mga bala ng baril ng mga illegal logger na ikinasugat ni Baccay at napilitang gumanti ng putok ang mga pulis hanggang sa maaresto nila si Sibbaluca.
Paliwanag ni Sinas, pinaigting ng pulisya ang kampanya laban sa illegal logging batay sa kautusan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte makaraang bisitahin nito ang Cagayan na isa sa mga lalawigang labis na sinalanta ng matinding baha dala ng bagyong Ulysses. (Gaynor Bonilla)