Advertisers
NILIWANAG ni Interior Secretary Eduardo Año na wala pang malinaw na desisyon kung papayagan na ang mga bata na pumasok ng malls sa kabila ng umiiral na general community quarantine sa National Capital Region (NCR).
Pahayag ni Sec. Año, patuloy pang tinatalakay ng mga alkalde ng Metro Manila ang naturang paksa. Kailangan pa raw kasing makipag-usap ng mga ito sa Philippine Pediatric Society at ilang health experts bago maglabas ng resolusyon.
Base aniya sa consensus ng Metro Manila mayors ay hindi pa sila handa dahil nalalapit na ang araw ng Pasko kung kaya’t posible na hindi ito matuloy. Subalit kung papayagan naman ito ay kailangang kasama pa rin nila ang kanilang mga magulang tuwing lalabas ng bahay.
Una na itong tinutulan ni NCR Police Office acting chief Police Brigadier Gen. Vicente Danao.
Sinabi naman ni Año na hangga’t maaari ay babawasan ang bilang ng mga taong lalabas. Ang pahayag aniya na ito ay base sa posisyon ng mga alkalde noong nakaraang linggo. (Josephine Patricio)