Advertisers
LAGUNA – Mahigit kalahating milyong piso ang natangay ng magnanakaw sa Pera Hub (Western Union) sa Lopez Avenue, Barangay Batong Malake, Los Banos dito sa lalawigan.
Sa inisyal na ulat ni Police Lt. Col. Reycon Garduque, hepe ng pulisya, nag-report sa kanilang istasyon si Elsa Morales, 52 anyos, Pera Hub Senior Assistant Manager, residente ng Bgy. Maahas ng bayang ito, hinggil sa nawawalang pera ng establishment.
Nabatid na 7:45 Martes ng umaga nang madiskubre ng mga tauhan ni Morales na sina Eleanor Castro, supervisor; at teller na si John Westley Paraiso, 23, ang panloloob habang binubuksan ng mga ito ang roll up door ng establishment. Sinira umano ang lock ng pinto at puwersahang binuksan ang vault sa loob. Wala namang nakitang force entry sa establishment.
Ayon sa pulisya, posibleng nangyari ang pagpasok ng mga magnanakaw Lunes ng gabi kungsaan tinangay ng mga ito ang nasa P650,000 cash na laman ng vault.
Inaalam pa ng pulisya ang posibleng pagkakakilanlan ng mga magnanakaw sa pamamagitan ng mga CCTV ng estabilisimyento. (DICK GARAY)