Advertisers
NANGANGAMBA sa kanilang kalusugan ang mga kawani ng House of Representatives kaya umaapela ito sa Department of Health (DoH) na pansamantalang isara ang tanggapan habang nagsasagawa ng paglilinis at contact tracing matapos narin magkaroon ng 98 confirmed cases mula Nobyembre 10 ng taon.
Ayon sa isang kawani na tumanggi magpabanggit ng pangalan, kamakalawa lamang ay kinumpirma ni House Secretary General Dong Mendoza na mayroong 98 confirmed cases. Ibig sabihin nito, mula Nobyembre 10 hanggang Nobyembre 30 ay walang ginagawang contact tracing kaya malaki ang tiyansang nagkaroon pa ng hawa-han.
Nobyembre 4 nag-resume ang sesyon ng Kamara matapos ang kanilang break, at sa loob ng mahigit dalawang linggo ay naitala ang 98 confirmed cases.
Giit ng mga kawani, hindi malayong mangyari na nakuha ang virus sa Kamara dahil nauna rito ay mayroong 40 reported cases sa Quezon City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) na sinasabing nakuha nila ang virus sa kanilang workplace, anila, taliwas ito sa paliwanag ni Mendoza na sa labas ng komunidad at hindi sa loob ng Kamara nakuha ng mga empleyado ang virus.
“We are appealing to House Speaker Velasco, hindi biro ang 93 cases mula March hanggang October at 98 cases pa sa buwan lang ng Nobyembre, baka kailangan munang isara at magkaroon ng disinfection. Hinihingi rin namin ang transparency ng House leadership. Bakit ngayon lang kayo nagrereport ang laki na ng cases?,” paliwanag pa nito.
Aminado ang mga empleyado na kapansin-pansin ang pag-relax ng Kamara sa covid monitoring kaya biglang lobo ang kaso.
Ang apela ng mga empleyado na isara ang Batasan Complex sa harap narin ng pagmamatigas ni Mendoza na walang outbreak ng COVID kaya hindi ikinokonsidera ang pagpapasara nito.
Binira ng mga kawani ang late reporting ng Kamara sa mga confirmed cases sa CESU. Anila, hindi sana nagdudulot ngayon ng takot kung regular ang reporting at nagkakaroon ng regular na contact tracing.
“Sa loob ng isang buwan walang comprehensive report na sinusubmit ang Kamara sa CESU, yung mga nag-positive na asymptomatic baka gumaling na at nakapanghawa na ng iba. Kung ganito na kalaki ang problema ay sana aminin na ng House leadership para magkaroon na ng intervention ang DOH. Huwag nilang pagtakpan ang mga naging lapses, bago pa may mamatay na naman,” panawagan pa ng mga empleyado kungsaan 5 na ang naitatalang nasawi sa COVID sa Kamara, 3 ay mga empleyado at 2 ang mambabatas.
Ang Kamara ay mayroong 8,000 employees kasama ang mga contractual at guards, subalit sa nasabing bilang ay 2,000 lamang ang naisasailalim sa testing.
Samantala, sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na isang mobile testing unit ang idi-dispatch ng lungsod sa Batasan Complex. Aniya, kailangan na magkaroon na ng agarang contact tracing upang ma-isolate ang mga posibleng carrier para narin maprotektahan ang komunidad.
Sa ipinalabas na report ng CESU, 98 empleyado ng Kamara na nagpositibo sa Covid ay 3 sa naging close contact nito ang tinamaan narin ng virus. Sa 98 cases ay 59 ang residente ng Quezon City habang ang 39 ay sa ibang lugar nakatira.
Muli namang iginit ni CEU Diretor Rolly Cruz ang kahalagahan ng 24 hour reporting na itinatakda ng DoH, sa ganitong paraan umano ay makokontrol ang pagkalat ng virus.