Advertisers
TULOY ang kaso laban sa isang barangay chairman sa Maynila na nabidyuhang nangingikil ng P1,000 sa bawat benepisyaryo ng Special Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa isang panayam, sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na kahit isinoli pa ni Chairman Augusto Salangsang ng Brgy. 261 ang pera ay “consummated na ang kanyang kasalanan at malinaw na may kaso”.
Tiniyak ni Diño na siya mismo ang pipirma sa ‘complaint sheet’ upang maisampa ang kaso sa Office of the Ombudsman.
“Ang kapal ng mukha nyan, may dala pang lechon manok. Basta may affidavit, ako mismo pipirma sa kaso laban dyan at ipatatanggal ko yan!”, ngitngit ni Usec. Diño.
Magugunitang nabidyuhan si Salangsang habang nangingikil ng isang libong piso mula sa SAP beneficiaries at idinawit pa ang hepe ng Manila District Social Welfare (MDSW) official na si Julie Bajelot.
Kinasuhan ni Bajelot si Salangsang sa DILG dahil sa pagdawit nito sa kanya.
– Police Files News Team