Advertisers
Hiniling ng Department of Local and Interior Government (DILG) na mag-isyu ng executive order and full alert status ang Local Government Units (LGUs) kasama ang mga Barangays at Philippine National Police (PNP) upang mahigpit at istriktong maipatupad ang health protocol sa kanilang mga nasasakupan ngayong Christmas season.
Sa virtual media forum ng Department of Health (DOH), sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) for Operations Usec. Epimaco Densing III na kailangan magkaroon ng disiplina upang hindi magkaroon ng second wave tulad ng nangyayari sa ibang bansa.
Babala ni Densing sa publiko, bawal ang pagkukumpol-kumpol ngayong Pasko at kapag may magreport ng ganitong mass gatherings ay magbabahay-bahay ang mga opisyal ng barangay o pulis para pagsabihan.
Iwasan din aniya ang mga “reunions” upang maiwasan ang malaking tyansa ng paghahawaan sa pamilya.
Ngunit kung may umiiral naman aniyang ordinasa sa isang lungsod o lugar ay maaring makasuhan o pagmultahin.
Magkakaroon din aniya ng mobile force company ng PNP base sa ipinag-uutos ni Secretary Eduardo Ano kung saan maraming kapulisan ang bababa sa mga public places,sea ports, tiangge, palengke at iba pang mataong lugar upang masiguro na mapatupad ang public health standards.
Hiniling din ni Densing na maging aktibo ang mga pulis, barangays ngayong Kapaskuhan.
Tulad ng pagbabawal ng DOH sa pagkakaraoke, pinaalala rin ni Densing na dinis-courage nito ang videoke o karaoke activities dahil napatunayan na aniya na ito ang isa sa dahilan ng pagkalat ng virus.
Dagdag pa ni Densing, kasama ang LGUs at uniform personnel, ang DILG ay mahigpit na ipapatupad ang omnibus guidelines sa pagpapatupad ng community quarantine. (Jocelyn Domenden)