Advertisers
NANAWAGAN ang ilan sa mga nagbebenta ng paputok sa Bocaue, Bulacan kay Pangulong Rodrigo Duterte na pag-isipang mabuti ang kaniyang plano na tuluyang ipagbawal ang paputok sa bansa sa susunod na taon.
Kung gusto umano ng pangulo na ituloy ang pagbabawal ng paputok tuwing Bagong Taon ay dapat daw magbigay ito ng ayuda para sa mga manggagawa na mawawalan ng trabaho dahil marami umano kasi sa kanila ang posibleng mawalan ng pagkakakitaan sa oras na ipatupad ito.
Matatandaan na hinikayat ng Malakanyang ang mga gumagawa ng paputok na maghanap na lamang ng ibang hanapbuhay makaraang ianunsyo ni Pangulong Duterte ang naturang plano.
Ayon kay Presidential Spokesman Sec. Harry Roque, kailangan aalalahanin din ang mga tao na nakasalalay lamang sa paggawa ng paputok bilang hanapbuhay.
Binigyan lamang daw ng pangulo ang mga ito ng warning dahil sa susunod na taon ay posibleng magkaroon ng absolute firecracker ban.
Nitong mga nagdaang taon ay ipinag-utos ni Pangulong Duterte ang suspensyon sa pagpo-proseso ng mga lisensya at permits para sa paggawa, pagbebenta at distribusyon ng mga paputok at pyrotechnic devices. (Vanz Fernandez)