Advertisers
INARESTO ng mga elemento ng Philippine National Police Maritime Group (PNP-MG) ang dating pulis sa pangongotong sa mga biyahero ng isda sa isinagawang entrapment operation sa Navotas City Fishport.
Kinilala ang nadakip na si Don De Quiroz Osias, 39, dating nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ayon kay PNP Chief, Gen Debold Sinas, 8:30 ng gabi nang magsagawa ng entrapment operation ang mga elemento ng Regional Maritime Unit-NCRPO sa Bañera St., Navotas City Fish Port Complex sa Barangay North Bay Boulevard South ng lungsod.
Sa report, inireklamo ng mga driver ng fish delivery ang pangongotong ni Osias na nagpapakilalang miyembro ng PNP Maritime.
Inaresto si Osias ng mga operatiba nang tanggapin ang mark money, ngunit tinangkang maglaban nito kaya nabaril sa hita.
Isinailalim na sa imbestigasyon si Osias at sasampahan ng kaukulang kaso.
(M. Obleada/G. Bonilla)