Advertisers
ISINUSULONG ni AAMBIS-OWA Party-list Rep. Sharon Garin na paliwigin ang validity ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) ng hanggang Marso 27, 2021.
Inihain nina Garin at Deputy Speaker Wes Gatchalian ang House Bill No. 8099 para matiyak ang consistent at efficient delivery ng tulong sa mga taong apektado ng COVID-19 pandemic, at para na rin matulungan na makabangon ang ekonomiya ng bansa.
Matatandaan na nakatakdang mapaso ang validity ng Bayanihan 2 sa darating na Disyembre 19, 2020, kung kailan magsisimula ang Christmas break ng Kongreso.
Dahil sa nagkaroon ng “substantial delay” sa release ng pondo para sana makapagbigay ng tulong sa publiko sa iba’t ibang programa at proyekto, base na rin sa report na iprinisenta ng Executive Department sa Kongreso, sinabi ni Garin na mainam kung palawigin hanggang sa Marso sa susunod na taon ang bisa ng Bayanihan 2.
Nakikita ang hakbang na ito para mabigyan ng karagdagang panahon ang mga local government units at government financial institutions na makompleto ang kanilang mga proyekto at programa sa ilalim ng COVID-19 response.
Sa ngyayon, pending pa rin sa Committee on Appropriations ang naturang panukala.
Sa Senado, kaparehas na panukalang batas ang inihain ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto.
Sa ilalim ng Bayanihan 2, aabot sa P140 billion ang inilalaan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para matugunan ang public health at economic impact ng pandemya.
Karagdagang P25.5 billion ang tumatayo naman bilang “standby fund” para sa pagbili ng COVID-19 vaccines. (Henry Padilla)