Advertisers
APRUBADO na ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na nagpapataw ng bagong buwis sa online sabong at mga derby.
Sa pamamagitan ng viva voce voting, inaprubahan ng mababang kapulungan ng Kongreso ang House Bill No. 8065, na naglalayong amiyendahan ang Section 125 ng National Internal Revenue Code of 1997.
Nakasaad sa substitute bill na 5 percent na buwis ang sisingilin sa online sabong at mga offline betting station operators.
Ibabase ito sa kanilang gross gaming receipts mula sa offsite betting activities sa mga locally-licensed cockfights at mga derby.
Ang buwis na ito ay bukod pa sa ilang local government taxes, regulatory fees at charges na applicable sa online sabong at derbies.
Ayon kay House Committee on Ways and Means chairman Joey Sarte Salceda, pangunahing may-akda ng panukala, ang pangunahing layunin ng panukalang batas na ito ay gawing mas transparent at accountable ang online sabong.
Sa oras na maisabatas ito, sinabi ni Salceda na lalo pang tataas ang koleksyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) mula sa mga cockpits.
Nabatid na noong 2019, aabot lamang ng P13.7 million ang nakolekta ng BIR sa naturang industriya. (Henry Padilla)