Advertisers
“HINDI porke matagal na, atin na.”
Ito ang binigyang diin ni Manila Mayor Isko Moreno kasabay ng kanyang panawagan sa lahat ng mga gumagawa ng sagabal sa kalye sa matagal ng panahon na isuko ito ng kusa sakaling gustohin ng gobyerno na ito ay bawiin upang magamit sa tamang paraan.
Ang pahayag na ito ni Moreno ay kaugnay na ring ng ipinapanood sa kanyang video ng isang babae na nakikipagtalo sa mga kawani ng City Hall at kinukwestyon ang karapatan ng mga ito na tanggalin ang mga sagabal na paninda sa kalye na ayon sa babae ay matagal na nilang ginagamit bilang puwesto sa pagtitinda.
Ang clearing operations ay isinasagwa araw-araw ng department of public services sa ilalim ni Kenneth Amurao at city engineer’s office sa pamumuno ni Engineer Armand Andres upang matiyak na ang mga kalye ay maibalik sa tunay na layunin o gamit nito at mapakinabangan ng publiko, motorista man o pedestrians.
Ang nasabing babae na tinatangkang pigilan ang mga kawani ng City Hall sa pagtatanggal ng mga sagabal sa kalye na kinabibilangang ng kanyang paninda ay nagsabi na mahigit 60 taon nang pinakikinabangan ng kanyang pamilya ang nasabing kalye bilang kanilang puwesto at dahil dito at hindi dapat aniya silang paalisin dito.
“Ang pinakambisang gawin, pag binabawi na ng gobyerno ang kalye at ibinabalik na sa pangkalahatan, pasalamat tayo dahil para sa taumbayan ‘yan. Di ko kayo masisi sa maling katwiran dahil sa mga nagdaang panahon ay kinunsinti kayo. Ako, di magiging tama araw-araw pero magiging makatwiran ako araw-araw,” ayon kay Moreno.
Idinagdag pa nito na: “Pag pinakinabangan na ng matagal na panahon, salamat. Pero kung ibabalik na ng gobyerno sa tao, siguro naman karapatan ng mga tao na magamit ang kalsada. Wala pong trespassing.. kalsada po ‘yun ‘nay.”
Kapansin-pansin ayon sa alkalde na ang nasabing vendor ay okupado ang buong kalye para sa kanyang pagtitinda at dahil sa tagal na ng panahon na inu-okupa nito ang kalye ay inari na niya ito bilang kanya.
“Ako ay nananawagan.. magkusa kayo.. gawin nating maaliwalas ang paligid at huwag nating hayaan na mabulok tayo dahil ang kabulukan ay naghihikayat ng kriminalidad,” ayon pa kay Moreno.
Ayon pa kay Moreno, ang madumi at mabahong lugar ay indikasyon nang kawalan ng gobyerno, nag-aanyaya din ito ng mga kriminal at masasamang elemento na gawing pugad ang nasabing lugar. (ANDI GARCIA)