Advertisers

Advertisers

Sa hirit na House inquiry nina Defensor at Marcoleta sa SALN… ‘SPKR. VELASCO AT DEPUTIES DAPAT MAUNA MAGLABAS NG SALN!’

0 431

Advertisers

DAPAT pangunahan mismo ni House Speaker Lord Allan Velasco at kanyang deputies ang pagsasapubliko ng kanilang Statement of Assets Liabilities and Networth (SALN) at gawing madali ang paghingi ng kopya nito ng publiko lalo ng media.
Ito ang reaksyon ni Institute for Political Reform (IPER) Executive Director, Ramon Casiple, sa harap narin ng inihaing resolusyon nina Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor at Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta na humihiling na magkaroon ng House Inquiry in aid of legislation ukol sa kasalukuyang batas kaugnay sa paghahain ng SALN ng government officials at employees.
Ang resolusyon nina Defensor at Marcoleta ay nag-ugat sa pagbasura ng Korte Suprema sa mosyong nag-aatas kay Associate Justice Marvin Leonen na iprisinta ang kanyang SALN na sakop mula nang magturo ito bilang faculty member ng University of the Philippines (UP).
Dahil hindi nailabas ang SALN ni Leonen ay hiniling nina Defensor at Marcoleta na magkaroon ng House inquiry ukol dito sa batayang karapatan ng bawat Filipino na malaman ang SALN ng public officials.
Bwelta naman ni Casiple, ang Kamara ang syang dapat maging ehemplo sa pagsunod sa batas hinggil sa SALN.
“Sa SALN, ang concept talaga dyan ay para answerable ang mga public official. Kaya ang principle na sinusunod ay accessible dapat yung SALN na yan. Hindi na dapat pang pagdebatehan kung nararapat bang ilabas o maisapubliko ang SALN ng mga nasa gobyerno. Bakit ka nagkaroon in the first place ng ganung klaseng concept ng SALN kung hindi available?,” paliwanag ni Casiple.
Kung mayroon din aniyang dapat na maging bukas sa kanilang SALN, ito ay walang iba kundi ang limang pinakamatataas na opisyal sa gobyerno kabilang na sina Pangulong Duterte, Vice President Leni Robredo, Senador Vicente Sotto III, House Speaker Lord Allan Velasco at Chief Justice Diosdado Peralta.
Ang paglalabas ng SALN ay isa sa pinakamalaking hamon sa elected at government officials, bagama’t obligado ang mga nasa gobyerno na magsumite kada taon ng SALN ay hindi naman nailalabas ito. Sa Kamara halimbawa, ang rekord ng SALN ay guwardiyado pa ng CCTV.
Hindi rin ganun kadali ang paghingi ng kopya nito. Sa ilalim ng House Resolution 2467, sinumang nagnanais na magka-access sa SALN ng mga mambabatas ay dapat may final approval pa ng House Plenary.
Kaya nangangahulugan na bago paman pumayag ang isang kongresista na ibigay ang kanyang SALN ay kailangan na i-deliberate muna ito ng Committee on SALN Review and Compliance at aalamin sa requesting party ang dahilan at kung saan gagamitin ang SALN.
Panunumpaan din ng requesting party ang sworn undertaking at declaration portion na nagsasaad na kung saan lamang maaaring gamitin ang SALN sakaling pumayag ang komite na magbigay ng kopya.
Nabatid na mula 2019 mula nang mabalangkas ang bagong rules sa pagkuha ng SALN ay wala pang aplikasyon o nagre-request ng SALN ng mga mambabatas.
Isa ang isyu ng SALN sa ipinipukol din kay Speaker Velasco. Una nang naiulat na siya ay mayroong shares sa San Miguel Corporation base sa company report 2017 kungsaan lumabas pa na kabilang siya sa Top 100 Stockholders at mayroon din na 2 % shares sa Petron Corporation base sa 2017 annual report ng kumpanya, subalit ang mga ito ay hindi deklarado sa kanyang SALN.