Advertisers
IIMBESTIGAHAN ng Commission on Human Rights (CHR) ang diskriminasyon sa ina at anak nitong may special needs sa isang resort sa Cebu.
“‘Yung aming regional office sa Region 7 ay nagsagawa ng sariling imbestigasyon. Importante ang isyung ito because it involves the rights of a child at tayo ay signatory sa Convention on the Rights of the Child sa United Nations,” lahad ni CHR commissioner Gwendolyn Pimentel-Gana.
Matatandaang nagbigay ng review ang ina ng bata sa hindi magandang pagtrato ng Plantation Bay Resort and Spa sa anak nito.
Lahad nito na sinasaway ng dalawang lifeguard ang bata sa pagiging maingay nito dahil ito ay labag sa polisiya ng resort.
“So sa batang may autism dapat protektahan natin siya na hindi maabuso at hindi siya ma-discriminate. Ang batang may autism ay tinatawag na batang may special need, kailangan niya ng ekstra proteksyon at kailangan din ng magulang ng estado na protektahan ang karapatan ng kanilang anak,” giit ni Gana.
Samantala, nag-iimbestiga narin Department of Tourism (DoT) tungkol sa insidente.
Kinondena rin ng Autism Society Philippines (ASP) ang maling pagtrato ng mga tauhan ng nasabing resort sa batang may special needs.