Advertisers
NAKASALANG na sa Technical Working Group ang panukala para sa pagtatakda ng fixed term para sa AFP Chief of Staff.
Ayon kay House Committee on National Defense and Security vice-chair at Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, layon ng kanyang House Bill 7677 na matigil na ang tila-revolving door na polisiya at pamumulitika ang pagtatalaga sa AFP Chief of Staff at iba pang major service commanders.
Aniya, hindi maiwasan na lumapit ang ilang opisyal na nais maluklok sa pwesto sa mga politiko, lalo na ang mga kabilang sa Commission on Appoitnments na siyang magkukumpirma sa pagkakatalaga ng mga ito.
Maliban pa, hindi rin nakapagpapatupad ng maayos at pangmatagalang plano at programa para sa sandatahang lakas dahil ang ilang naitatalagang opisyal ay maikli lamang ang taon ng pagsisilbi.
Hindi ito ang unang pagkakataon na inihain ni Biazon ang naturang panukala dahil noong 14th Congress ay kasama niya ang kanyang ama na si former Congressman Rodolfo Biazon na dati ring AFP Chief of Staff.
Ngunit na-veto ito ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Sa ilalim ng panukala itatakda sa tatlong taon ang fixed term ng AFP Chif of Staff habang ang major service commanders ay mayroong minimum 2-year term of office.
Hindi naman maaaring maitalaga bilang major service commander ang isang opisyal na mayroon na lamang mas mababa sa dalawang taong natitirang active service.
Hindi rin papayagan ang term extension maliban na lamang sa chief of staff kung mayroong giyera o national emergency batay na rin sa deklarasyon ng Kongreso. (Henry Padilla)