Advertisers
Ni NONIE V. NICASIO
MARAMING pinagkakaabalahan ngayon si Gari Escobar, bukod sa kanyang business ay naghahanda na siya sa susunod niyang second virtual concert na pinamagatang Mga Hugot ng Puso, 7PM.
Nabago na ang date nito at gaganapin na ang concert ni Gari sa December 30.
This time, may live band na siya, ang Supreme Band, kaya aminadong ngayon pa lang ay excited na si Gari.
Naging matagumpay ang unang digital concert ni Gari na pinamagatang Gari Escobar Live! My Life! My Music! na ginanap last October 18. Kaya napagpasyahan niyang sundan na agad ito.
Ang isa pang event na excited nang inaantabayanan ng magaling na singer/songwriter ay ang gaganaping Aliw Awards sa December 15 sa Manila Hotel.
Si Gari ay nominado rito sa dalawang category, sa Breakthrough Artist of the Year at Best Pop Artist.
Tinanong namin siya kung ano ang reaction na dalawa ang nominations niya sa Aliw Awards?
Pahayag ni Gari, “Nagulat po ako kaya tinanong ko uli kung dalawa talaga, kasi po sa isa pa lang na nomination ay masayang-masaya na ako, dahil isang malaking karangalan po ito para sa isang artist na tulad ko.
“So, lalo na po at dalawa pala ang nominations ko, lalong naging doble po ang saya ko.”
Dagdag pa niya, “Sobrang natuwa po ako sa panibagong blessing, kasi rati naririnig ko lang ang Aliw Awards, na mayroon niyan ang mga idol ko, tapos ngayon po nominated ako… Kaya para akong nakalutang sa sobrang saya.”
Last year ay nanalo si Gari sa PMPC Star Awards For Music bilang New Male Recording Artist of the Year.
Aminado siyang mas naging seryoso at inspirado dahil sa napanalunang award.
“Yes kuya, perfectionist na nga ako, lalo pa akong magiging mabusisi sa mga ginagawa kong songs ngayon,” pakli pa ni Gari.