Advertisers
NAKATANGGAP ng pamaskong regalo ang mga mahihirap na pamilya sa Tondo, Manila mula kay Senador Grace Poe sa gitna ng paggunita niya at ng inang si Susan Roces sa ika-16 taon ng pagpanaw ni Fernando Poe Jr. nitong Disyembre 14.
“Pagpapanatili ito ng tradisyon ni FPJ na kalingain ang mga mas nangangailangan sa ganitong panahon,” saad ni Sen. Poe.
Sa pangunguna ng kanyang anak at chief of staff na si Brian Poe Llamanzares, namahagi ang team ni Sen. Poe ng regalo sa mga pamilya sa Isla Puting Bato sa Tondo.
Ginamit na pamagat at lokasyon ng isang pelikula ni FPJ ang nasabing lugar. Sa “Tundo: Isla Puting Bato,” ginampanan ni FPJ ang papel bilang Hernan “Nanding” Perez na dumanas at nakipaglaban sa kriminalidad at kawalan ng katarungan.
Nagpasalamat ang mga residenteng tumanggap ng pamaskong handog sa senador at sa pamilya ni Da King, na patuloy paring tinatangkilik ang mga pelikula at remake tulad ng “Ang Probinsyano.”
“Ang pang-unawa, kagandahang-loob at malasakit ni FPJ sa mga kapos at bulnerable ang aking inspirasyon,” ani Poe.
Bilang lolo, protective at mapagkalinga ang Hari ng Pelikulang Pilipino. ‘Di malilimutan ng kanyang apong si Brian na ngayon ay 28 anyos na: “Ipinadama niya sa amin na and’yan lang siya, kahit na abala siya o gumagawa ng pelikula sa malayo. Namangha kami sa kanyang kasipagan at dedikasyon; at pinatatag kami ng kanyang mga pananaw.”
Nauna naring namahagi sina Poe ng relief packs sa mga nasalanta ng kalamidad sa pinakaapektadong mga lugar sa bansa sa gitna ng pandemya.
Isinagawa ang relief efforts sa pamamagitan ng Panday Bayanihan, isang nongovernment organization na ang inspirasyon ay ang legasiya ni FPJ at pinamumunuan ni Llamanzares.