Advertisers
LABIS na ipinagtataka umano ni Senator Panfilo Lacson ang ginagawang pangungutang ng gobyerno ng pera para lamang ipatupad ang mga proyekto ng pamahalaan kahit hindi naman ito nakikitaan ng magandang resulta.
Pagbabahagi ni Lacson, nung naging senador siya noong 2001 ay nasa P2.88 trillion na ang utang ng bansa. Habang kasagsagan naman ng administrasyon nina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, Noynoy Aquino at Pangulong Rodrigo Duterte ay lumobo pa raw ito ng P10.027 trillion noong Oktubre, mula sa P8.2 trillion noong 2019.
Pahayag ni Lacson, hindi pa raw ipinapakita ng gobyerno ang resulta ng napakahalaking halaga na inutang ng pamahalaan sa loob ng mahabang panahon.
Kaya mahirap daw tanggapin ang naging pahayag ni Presidential spokesperson Harry Roque na maghahanap pa ang gobyerno ng mauutangan para sa COVID-19 vaccines.
Una na kasing sinabi ni Roque na magiging sapat ang pondo ng pamahalaan upang bumili at mamahagi ng bakuna sa taumbayan sa pamamagitan ng pangungutang.
Ani Roque, paulit-ulit na raw nitong sinasabi na makakautang na sila sa multi-lateral at bilateral sources para sa P72.5 billion na kakailanganin.
Sa ilalim ng panukalang national budget para sa susunod na taon, P72.5 billion ang nakalaan para sa bakuna kung saan ang iba rito ay nasa ilalim ng unprogrammed funds at tanging P2.5 billion lamang ang nasa regular funds. (Mylene Alfonso)