Advertisers

Advertisers

‘BATAS’ NI PACMAN PARA SA BARANGAY

0 734

Advertisers

MAGANDANG balita para sa mga opisyal ng barangay, workers at volunteers.
Naghain ng panukalang batas si Senador Manny Pacquiao na naglalayong maging regular na manggagawa ng gobyerno ang lahat ng barangay officials, workers at volunteers na may kaakibat pa na pamantayan ng sweldo ng mga ito, at iba pang mga benepisyo na isinasaad ng mga dati nang batas, kautusan at mga panuntunan ukol sa mga opisyal ng barangay, kawani at volunteers.
Sa paghahain ng Senate Bill 1956, Barangay Officials Salary Standardization Act of 2020, tinuran ni Pacquiao na kung ang ibang frontliners gaya ng mga nasa sektor ng kalusugan at seguridad ay palagiang umaani ng papuri sa kanilang pagganap ng kanilang mga tungkulin sa gitna ng pandemiya, ang mga opisyal ng barangay at iba pang tauhan nito ay hindi man lamang nabibigyan ng pansin, bagkus ay napupulaan pa.
“Lahat tayo ay naging saksi sa walang pag-iimbot na pagtupad ng tungkulin ng ating mga opisyal ng barangay at iba pa nitong mga tauhan. Napakalaki ng tulong nila lalo na sa panahon ng pandemiya. Sila ang ating kasangga sa pagtulong sa ating mga kababayan,” paliwanag ni Pacquiao sa kanyang talumpati nang ihain ang kanyang panukalang batas.
Sa kanyang panukalang batas, nais ni Pacquiao na magkaroon din ng pamantayan ng sahod sa mga opisyal ng barangay, magsimula sa Punong Barangay, miyembro ng Sangguniang Barangay ( kagawad), ang Pinuno ng Sangguniang Kabataan (SK), Barangay Secretary at Treasurer.
Aniya, ang mga ito ay dapat na tumanggap ng buwanang sahod, allowance at insurance, medical at dental coverage, retirement benefits at iba pang benepisyo sa ilalim ng Civil Service Laws, at iba pang pamantayan ukol sa kawani ng pamahalaan.
Sa pagiging regular na empleyado ng gobyerno, inaatasan ng batas ni Pacquiao ang Department of Budget and Management (DBM) na magsagawa ng standardized Position Classification and Compensation Scheme para sa Barangay Officials, Personnel at Volunteer Workers na maaari mag-base o ikonsidera ang edukasyong inabot ng mga ito, ang bigat ng trabahong gagampanan at ang pinansiyal na kakayahan ng bawat barangay na susunod sa mga patakaran at panuntunan na sinasaad ng Civil Service Commission (CSC).
May tatlong grado rin ng pasahod ang batas ni Pacquiao. P15,000 bilang Salary Grade 1, para sa mga appointive position, na sinupsuportahan ng ordinansa ng barangay; P25,000 bilang Salary Grade 2, para sa mga naihalal na posisyon gaya ng mga miyembro ng Sangguniang Barangay at Kabataan, di kabilang ang Punong Barangay; at P35,000 bilang Salary Grade 3 para sa Barangay Chairman.
Bilang regular na empleyado ng pamahalaan, ang mga barangay officials at mga tauhan nito, ayon kay Pacquiao, ay kailangan din tumanggap ng 13th month pay, at Christmas Bonus na P3,000 at iba pang bonus sa ilalim ng mga batas.
Bukod dito, nais din bigyan ni Pacquiao ang mga opisyal ng barangay ng Special Risk Allowance (SRA) na ang halaga ay tutukuyin ng Department of Interior and Local Goverment (DILG).
Kasama rin sa panukalang batas ni Pacquiao ang regular na pamimigay ng rice allowance at iba pang special na allowance sa ilalim ng mga lokal na batas.