Advertisers

Advertisers

2 UTAS, 4 KRITIKAL SA SALPUKAN NG KOTSE AT TRAYSIKEL

0 189

Advertisers

Isabela – Dalawa katao ang nasawi at apat ang nasa kritikal na kalagayan sa banggaan ng tricycle at kotse sa Barangay Harana, Luna dito sa lalawigan.
Nakilala ang mga namatay na sina Jonathan Donato, 16 anyos, at Mark Angelo Babaran, 17, habang nasugatan sina Benedict Agustin, 17, tsuper ng tricycle; Jaymar Donato, 16; Emil Bartolome, 17; Jay-Ar Mandat, 21, pawang sakay ng tricycle at residente ng Canan, Cabatuan.
Masuwerte namang di nagtamo ng sugat ang mga sakay ng Toyota Vios na minaneho ni Ricky Abad, 26, may asawa, job controller, at ang dalawang sakay na kinabibilangan ng kanyang 2-anyos na anak, kapwa residente ng San Andres, Cabatuan, at John Eric Mendoza, 27, may asawa at residente ng Mararique, San Manuel.
Dakong 11:40 Huwebes ng gabi nang mangyari ang insidente. Galing ang kotse sa Lunsod ng Cauayan habang mula naman ang tricycle sa barangay Harana, at pauwi na ang mga biktima sa Cabatuan.
Ayon kay Abad, hindi naman mabilis ang kanyang patakbo pero hindi niya napansin ang tricyle na bigla na lamang sumulpot dahil wala itong ilaw.
Sinubukan pa umanong iwasan ni Abad ang tricycle, subalit nabangga parin niya ito at nakaladkad ng 10 metro, dahilan para tumilapon ang ilang sakay ng tricycle at maipit ang iba sa loob.
Sa naturang lugar ay accident prone area ang pinangyarihan ng aksidente bukod pa sa wala itong street light at basa ang daan dahil sa pag-ulan.
Mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, physical injury and damage to property si Abad.
Kaugnay nito, nanawagan ang pulisya sa mga mamamayan na mag-ingat at sundin ang batas na umiiral lalo na ang curfew hours at liqour ban na sakop ng Executive Order (EO) na inilabas ng pamahalaang panlalawigan kaugnay sa pagsailalim ng Isabela sa Modified General Community Quarantine (MGCQ). – REY VELASCO