Advertisers
DAHIL sa paniniwalang ang mga madidilim na lugar ay kanlungan ng mga kriminal, ay pinangunahan nina Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang pagpapailaw sa kahabaan ng southbound lane ng Taft Avenue mula Manila City Hall all hanggang boundary ng Pasay City.
Si Moreno na sinamahan din nina assistant secretary Letlet Zarcal, city electrician Randy Sadac at city engineer Armand Andres ay nagpahayag na ang ginawang pagpapailaw sa madilim na bahagi ng lungsod ay bahagi ng kampanya ng pamahalaang lokal na gawing ligtas ang lahat ng kalye lalo na sa gabi.
Ang may 225 poste ng ilaw na naghilera sa kahabaan ng southbound lane ng Taft Ave. ay malaking tulong sa mga solar studs sa kalye, linings at mga camera na inilagay bilang bahagi ng non-contact apprehension program (NCAP) ng lungsod.
“Para mas panatag ang mga nagmamaneho sa gabi.. me illumination kaya ang mga tolongges di na pwedeng gamitin ang dilim sa paggawa ng krimen. Sa dami ng camera sa Maynila plus may ilaw, panatag ang tao, ligtas ang nagmamenho lalo mga naka-motor kasi di sila makita sa gabi, madilim. With this illumination, ang benepisyo diretso sa tao, incidental sa nagmamaneho,” paliwanag ni Moreno.
Ayon pa kay Moreno, ay inatasan niya si Engr. Andres na maglagay ng 100-watt bulbs na siyang standard lighting sa halip na multi-colored upang matiyak ang tamang liwanag at kaligtasan.
Tiniyak ng alkalde na ang pagpapailaw sa mga madidilim na bahagi ng lungsod ay magpapatuloy sa ilalim ng kanyang administrasyon, lalo na sa mga lugar na puntahan ng tao.
Idinagdag pa ni Moreno na sa unang bahagi ng darating na taon, ang kahabaan naman ng Ronquillo hanggang R. Papa ang paiilawan, tulad ng ginawa sa Espana Boulevard at Taft Avenue. (ANDI GARCIA)