Pagpatay sa lawyers, mediamen, politiko resulta ng ‘culture of violence’ ng Duterte admin – Rep. Lagman
Advertisers
IBINUNTON ni Albay Rep. Edcel Lagman sa “culture of violence” na binuo ng Duterte administration ang pagkakapaslang sa mga abogado, media practitioners, politiko, doktor at ordinaryong mamamayan.
Inihayag ni Lagman na sa ilang pagkakataon ay mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang naghihikayat sa extrajudicial killings (EJK).
“Violence by example and tolerance has mocked due process and the rule of law,” ani Lagman.
Matatandaan aniya na sa kasagsagan ng 2016 Presidential campaign, ipinagmalaki ni Duterte na papatayin nito ang 100,000 kriminal at ipapakain ang labi ng mga ito sa mga isda sa Manila Bay.
Sa Cebu noong Marso 2017, sinabi rin aniya ng Pangulo na ang mga kriminal ay hindi maituturing bilang mga tao kaya kahit patayin man ang mga ito ay hindi naman aniya ito maituturing bilang krimen.
Tinukoy din ni Lagman ang pagkakataon na inihalintulad ni Pangulong Duterte ang sarili nito kay Adolf Hitler, gayundin ang pahayag ng punong ehekutibo noong Disyembre 3 kung saan sinabi naman nito na walang pagbabago sa kanyang direktiba sa laban kontra mga kriminal.
Nitong Huwebes, Disyembre 17, patay ang isang babaeng abogado matapos barilin ng dalawang lalaki na sakay ng isang motorsiklo sa national highway sa Barangay Looc, Danao City sa north Cebu.
Nagmamaneho ng kanyang sasakyan si Atty. Baby Maria Concepcion Landero-Ole papuntang Cebu City nang pagbabarilin ito ng dalawang lalaki dakong 2:50 ng hapon.(Josephine Patricio)