Advertisers

Advertisers

Bong Go sa gov’t officials: ‘Wag magturuan sa COVID-19 vaccine procurement

0 256

Advertisers

Sa harap ng hamon sa pagbili ng COVID-19 vaccines, umapela si Senate committee on health chairman, Senator Christopher “Bong” Go sa mga opisyal ng gobyerno na itigil ang pagtuturuan at sa halip ay magtulungan sa implementasyon ng whole-of-nation approach para malagpasan ng mga Filipino ang kasalukuyang krisis.

Hiniling ni Go sa mga kapwa public servants na panatilihin ang pagkakaisa at magpokus sa paglaban sa totoong kalaban ng lahat, walang iba kundi ang COVID-19 pandemic.

“Huwag na po muna tayong magturuan at magsiraan pa. Ang problema diyan magkakasama kayo sa Gabinete, kayo pa ang nagtuturuan. Hindi po nakakatulong sa Duterte administration kung kayu-kayo mismo ang nagtuturuan, kung sino ang may kasalanan,” ani Go.



Gayundin, nanawagan siya sa publiko na tulungan ang gobyerno kasabay ng pakiusap kay Secretary of Health Francisco Duque III na magkaroon ng accountability sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa mga akusasyong ibinabato sa kanya.

“Suportahan na lang natin ang ating mga health officials. Si Secretary Duque, kung mayroon ka mang pagkukulang, i-explain mo po sa publiko,” sabi ni Go.

“[Hindi] ko naman po masasabi kung mayroon tiwala o walang tiwala ang mga taumbayan sa kaniya pero ang ating Pangulo ay may tiwala sa kaniya. And prerogative ng Pangulo kung sino ang gusto niyang mamuno ng isang departamento,” paglilinaw ng senador.

Naunang sinabi ni Go na dapat ay magsagawa ang gobyerno ng massive information campaign para ma-educate ang publiko sa ginagawang proseso ng pamahalaan sa paghahanap ng ligtas at epektibong COVID-19 vaccines para sa Filipino.

“Huwag nating pabayaan ang mga ordinaryong Pilipino. Bigyan dapat ng tamang impormasyon ang publiko para hindi matakot at magkaroon ng confidence ukol sa mga vaccines na ito,” aniya.



Ani Go, siya at si Pangulong Rodrigo Duterte ay handang manguna sa pagpapaturok ng COVID-19 vaccine para maengganyo at mawala ang takot ng publiko sa bakuna.

“[Kung] ‘di sigurado na safe ito, walang magpapaturok niyan. Takot ang Pilipinong magpaturok ng vaccine pag hindi nila nasisiguro safe po sila,” ani Go.

So, ulitin natin, safety and efficacy po ng vaccine muna ang unahin para po makumbinsi natin ang mga Pilipino na magpaturok,” giit niya.

Ipinaalala niya sa mga kasama sa gobyerno na kung anuman ang kakulangan ng mga opisyal, mananagot sila sa taumbayan kapag napatunayang may kasalanan o kapabayaan.

“Huwag lang po sana tayo magsisihan dahil sa ngayon, importante na magtulungan po tayo at gawin na natin ang lahat ng ating makakaya para malutas ang krisis na dulot ng COVID-19,” anang senador.

Kaugnay nito, nilinaw ni Go na si National Task Force chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez Jr. ang nananatiling may desisyon sa usapin ng COVID-19 vaccine, kagaya ng pagbili, pagproseso, sa storage at distribusyon nito.

Tiniyak ni Galvez na determinado ang Philippine government na makahanap o makabili ng ligtas at epektibong bakuna para sa mga Filipino, anuman ang brand o pinanggalingan nitong bansa.

“With this as our guiding principle, it is our duty as public servants to carefully study and evaluate all documents relative to the procurement and acquisition of candidate vaccines, especially when the public’s health and safety are at stake,” ang sabi ni Galvez.

Ngunit aniya, ang lahat ng desisyon at aksyon hinggil dito ay base sa maingat na proseso ng siyentipikong pag-aaral at batay rin sa pagpili ng grupo ng mga eksperto sa bakuna.

Siniguro rin ni Galvez na ang lahat ng transaksyon na gagawin ng gobyerno ay nakalantad, parehas at nakahanda nitong panagutan. (PFT Team)