Advertisers
NAGLATAG muli ng mga quarantine checkpoints ang pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) matapos tumaas muli ang kaso ng Covid-19 cases sa Metro Manila.
Ayon kay NCRPO chief BGen. Vicente Danao, aniya kung magtuloy-tuloy ang pagsipa ng Covid-19 cases, kaniyang irekomenda sa IATF na isailalim sa total lockdown ang buong Metro Manila o ibalik ito sa Modified Enhance Community Quarantine (MECQ).
Sinabi ni Danao, base sa kanilang monitoring sumampa sa 2,500 ang Covid-19 cases noong Biyernes, December 18 lamang, dahilan para kanilang ibinalik ang mga quarantine control points sa kalakhang Maynila.
Paliwanag ni Danao, kapag nakapagtala ng 3,000 bagong Covid-19 cases kada araw na siyang baseline para isailalim sa lockdown o ibalik sa MECQ ang Metro Manila.
Dinoble na rin ng NCRPO ang police visibility sa mga shopping malls lalo na ngayon na nagkaisa ang mga Metro Manila Mayors na restricted ang mga minors 18 years old pababa sa mga public places.
Pahayag pa ni Danao, ang pagdoble ng bilang ng mga uniformed policemen sa mga malls, simbahan at iba pang mga places of convergence ay para masigurado na nasusunod ang minimum health standards and protocols.
Layon din nito para masigurado na walang mga bata ang makakapasok sa mga malls at iba pang pampublikong lugar. (Josephine Patricio)