Advertisers
Inihayag ni Senator Christopher “Bong” Go na ini-exlore ng gobyerno ang iba’t ibang source COVID-19 vaccines upang matiyak na magkakaroon ang Filipino ng ligtas at epektibong bakuna laban sa virus.
Sinabi rin ni Go na maging ang ilang pribadong sektor ay nangangalap ng pondo upang makatulong sa pagbili ng sapat na dami ng bakuna para sa mga Filipino.
“Ang private sector, magre-raise din po. May iba pa. Pinag-aaralan na po, it doesn’t matter kung saan manggagaling as long as safe and effective,” ani Go.
Anang senador, isinasapinal na lamang ang negosasyon ng bansa sa Sinovac Biotech para makabili ng 25 million doses ng COVID-19 vaccine para i-deliver sa Marso ng susunod na taon.
Sinabi rin ni Go na nasa advanced discussion na si vaccine czar Carlito Galvez Jr. sa naturang kompanya para maisara ang usapan na magiging malaking pakinabang sa bansa laban sa COVID-19.
“Ngayon, marami na pong kinakausap ang ating vaccine czar. Meron na silang advanced discussion sa Sinovac, possible shipment March 2021, twenty five million doses,” ani Go.
Naniniwala si Go na walang kinalaman sa “preference” ang procurement ng bakuna mula sa Chinese company Sinovac sa pagsasabing ang market availability ang pangunahing ikinonsidera ng pamahalaan sa pakikipagnegosasyon sa kompanya.
“‘Di po ako naniniwala kung ano koneksyon nito, sa China man. May pandemya, magtulungan tayo. Sabi nga, no one is safe until everyone is safe, depende na po ito sa availability sa market,” paliwanag ng senador.
Sinabi rin ng senador na nakikipag-usap rin si Galvez sa iba pang vaccine companies na may kakayahang mag-supply ng COVID-19 vaccines.
“Nakapag-usap na rin sila sa Gamaleya, ongoing talks, ‘di pa masabi kung kelan. Pfizer po, advanced discussion. Johnson & Johnson, (confidentiality disclosure agreement) being finalized, AstraZeneca, for another twenty million,” ani Go.
“Siguraduhin nating priority ang mahihirap, vulnerable at frontliners, safe and effective dapat, saan man ito kukunin,” idinagdag niya.
Kaugnay nito, muling inulit ni Go ang kanyang hamon kay Department of Health Secretary Francisco Duque III at vaccine czar Galvez na unang magpabakuna para maipakita sa taongbayan na ligtas ang bibilhing COVID-19 vaccine.
“Kung ‘di natin ma-attain ‘yan, takot ang Pilipino, kaya nga po kina Sec. Duque at Galvez, mauna sila,” aniya.
“(This is) to encourage naman po at mawala ang takot ng mga tao, pero dapat unahin natin ang poor, vulnerable, and frontliners, of course. Sila ang nangunguna sa labang ito — sundalo, guro, medical workers. Huwag rin natin pabayaan ang mga senior citizens natin na vulnerable and, especially, ang mga mahihirap na kailangan lumabas at magtrabaho — dapat po libre ito sa mahihirap,” paliwanag pa ng senador. (PFT Team)