Advertisers
IPINUNTO ni Senator Christopher “Bong” Go, chairman ng Senate Committee on Health, na isa lamang dapat ang magsisilbing “line of authority” sa usapin ng negosasyon sa pagbili, pamamahala at distribusyon ng COVID-19 vaccines.
“Siya ang sentro dito. Kumbaga siya ang captain ball. Kung sinasabing somebody [dropped] the ball, pinasa na sa kanya ang bola kasi sabi ng coach, ibigay mo sa captain ball. Siya na mamamahala. Kumbaga sa basketball, siya ang [mag] call ng play,” ani Go na tumutukoy kay vaccine czar at National Task Force Against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez, Jr.
Nagpahayag din ng pasuporta si Go kay Secretary of Health Francisco Duque III na umaani ngayon ng kritisismo.
“Ginagawa naman ni Secretary Duque ang lahat. Naaawa na nga kami ni Pangulo [Rodrigo Duterte]. Nagiging punching bag siya ng lahat….As far as I know, may tiwala siya kay Secretary Duque,” ayon kay Go.
“During one of the meetings, natanong ni Secretary [Harry] Roque kung ano stand ng Pangulo dito. Secretary Duque naman nag-explain….kung pipirmahan niya agad during that time—September—‘di pa po sigurado, mas mahirap,” aniya.
Maging si Galvez ay idinepensa si Duque sa pagsasabing ang Confidentiality Disclosure Agreement ay isa lamang sa mga anyo ng the negosasyon lalo’t nakasalalay rin dito ang kaligtasan at interes ng publiko.
Kaya naman hiniling ni Sen. Go sa mga kasama sa Gabinete na huwag nang magturuan dahil nakaaapekto ito sa magiging tagumpay ng gobyerno para malagpasan ng bansa ang krisis.
Ipinayo niya sa mga ito na magpokus sa totoong kalabanan ng lahat—ang COVID-19.
“Kaysa magturuan at mag-away-away, you are serving one admin. Success ng one admin ang pinag-uusapan. Magtulungan na lang tayo. Sabi ko nga kay Secretary Duque at Galvez [na] kunin ang kumpyansa ng taumbayan,” he said.
Anang senador, marami pang dapat na trabahuhin upang maisakatuparan ng gobyerno ang COVID-19 national vaccine plan.
“Marami ang trabaho na gagawin dapat dito. Not only acquisition, mahaba ang proseso nito….pag may nabalitaan na may side effect, aatras na naman ang tao. ‘Di naman natin pinipili saang country manggagaling. Mahalaga, safe and effective [ang] vaccine para makuha natin kumpiyansa,” ayon pa sa senador. (PFT Team)