Advertisers
ISINISISI pa rin ni Senador Panfilo Lacson kay Health Secretary Francisco Duque III kung bakit nawala ang tsansa ng bansa na makakuha ng milyon-milyong doses ng bakuna laban sa coronavirus disease.
Sinabi ni Lacson na hindi lamang umano ito isyu ng “mission impossible” na makakuha ng bakuna ang Pilipinas sa Enero 2021, ngunit isyu ito ng umano’y kapabayaan ni Duque na gampanan ang kaniyang tungkulin bilang opisyal ng Pilipinas.
Inabot aniya si Duque ng 118 days o halos apat na buwan bago pirmahan ang Confidentiality Data Agreement (CDA) mula Pfizer na magbubukas sana ng pintuan para sa bansa na magkaroon ng nasa 10 milyong COVID-19 vaccines.
Buwelta pa ng senador, nananatili pa ring incompetent si Duque lalo na sa mga oras na buhay ng taumbayan ang nakasalalay.
Hindi aniya dapat umupo at maghintay na lamang ang bansa kung ilan na naman ang maitatalang bilang ng mga namatay dahil sa deadly virus bawat araw.
Pinatutsadahan din ni Lacson si COVID-19 policy chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez dahil sa ginagawa raw nitong pagdepensa kay Duque.
Ayon kasi kay Galvez, ang mga akusasyon laban kay Duque ay wala namang basehan at nagdudulot lamang ng ingay.
Sagot naman ng mambabatas na huwag nang makialam si Galvez dahil mukhang kaya naman daw depensahan ni Duque ang kaniyang sarili.
Inaasahan din aniya nito si Duque na mas magiging alerto at tutulungan siya ng miyembro ng gabinete na kaagad kumilos kaysa depensahan ito sa pamamagitan ng mga inilalabas nilang pahayag sa media. (Mylene Alfonso)