Advertisers
PUTOL ang kanang kamay at nawawala ang mga daliri sa kaliwang kamay.
Ganito ang sitwasyon ng katawan ni retired Court of Appeals (CA) Justice Normandie Pizarro nang matagpuan sa lalawigan ng Tarlac.
Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na katawan nga ni Pizzaro ang nakita sa Capas, Tarlac noong October 30 nang mag-match sa DNA test.
Ayon kay OIC Eric Distor, 99.99 percent ang resulta ng DNA batay sa ginawang pagsusuri ng NBI Forensic.
Sinabi ni Distor ma maaring sinadyang alisin ang kamay at mga daliri ng biktima para hindi makumpirma ang pagkakakilanlan nito sa pamamagitan ng finger prints.
Sinubukan ng NBI na gumamit ng forensic odontology o dental science pero hindi nagtagumpay dahil hindi kumpleto ang dental records ng mahistrado sa CA.
Dahil dito, kumuha ng swab samples ang NBI sa kotse ni Pizarro na huli niyang ginamit bago siya nawala.
At saka ito ikinumpara sa thigh bone ng natagpuang bangkay at sa DNA samples ng dalawang anak na lalaki ni Pizaro. Dito lumabas ang “very high probability” na resulta.
Kasama sa mga kontrobersyal na kasong hinawakan ni Pizzaro ang murder charges laban kay dating Palawan Gov. Joel Reyes hinggil sa pagpatay sa environmentalist na si Dr. Gerry Ortega, at kasong serious illegal detention laban kay Janet Lim-Napoles.
(Jocelyn Domenden)