Advertisers

Advertisers

DepEd: ‘Extreme caution’ gagawin sa dry run ng face-to-face classes

0 278

Advertisers

TINIYAK ng Department of Education (DepEd) na lubos na pag-iingat ang kanilang gagawin kasabay ng kanilang paghahanda para sa dry run ng face-to-face classes sa susunod na buwan.
Pahayag ng DepEd, batid nila ang mga hamong kanilang kahaharapin kaugnay ng pilot testing ng limited face-to-face classes sa gitna ng kinakaharap na COVID-19 crisis ng bansa.
“While the end of the pandemic is in sight, our utmost priority remains the same: to protect our teachers and learners,” saad ng DepEd. “It is precisely why we are approaching this pilot implementation with extreme caution.”
Kumonsulta rin daw sila sa mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor upang bumuo ng isang “risk-informed approach” kaugnay sa muling pagbubukas ng mga paaralan, batay sa mungkahi ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) noong nakalipas na linggo.
Muli ring inihayag ng kagawaran na magiging “highly selective” sila kaugnay sa mga paaralang lalahok sa pilot implementation.
Maliban sa mahigpit na pagpapatupad ng health protocols, magiging boluntaryo lamang din ang partisipasyon ng mga estudyante, na may kinakailangan ding permiso mula sa mga magulang.
Kaugnay nito, nagpasalamat din ang DepEd sa suporta ng UNICEF kaugnay sa implementasyon ng anila’y mahirap na trabaho.
Matatandaang nasa mahigit 1,000 mga eskwelahan ang ni-nominate ng mga DepEd regional directors para sa dry run ngunit inaasahan na mas bababa pa ang bilang nito.
Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, mababa raw ang tsansa na mahawaan ng COVID-19 ang mga mag-aaral sa mga paaralan, batay umano sa isang UNICEF report. (Josephine Patricio)