Advertisers

Advertisers

Hepe ng pulis sa Catanduanes pinasibak ng mayor

Nang sisihin ang mag-inang napatay ng pulis sa Tarlac...

0 308

Advertisers

SINIBAK sa puwesto ang isang hepe ng pulisya sa isang bayan sa Catanduanes matapos ipagtanggol nito ang naging aksyon ni Police SMSgt. Jonel Nuezca sa pagpaslang sa mga ‘di armadong kapitbahay.
Nag-viral nitong Lunes ang Facebook post ni Bato, Catanduanes officer-in-charge Capt. Ariel Buraga tungkol sa pamamaril ni Nuezca sa sentido ng nakaalitang mag-ina sa Paniqui, Tarlac.
Sa kanyang post, sinabi ni Buraga na kasalanan ng nanay kung bakit sila pinatay dahil “wala silang respeto sa pulis.”
“May policy din po kasi tayo sa mga pulis na ‘wag gamitin ang social media sa mga opinyon na ‘di magbibigay ng hustisya para sa propesyonal na pagtanaw ng PNP sa isang usapin,” ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Ildebrandi Usana.
Kinumpirma narin ng PNP Bicol Chief, BGen Bartolome Bustamante, ang pagsibak kay Buraga matapos ang ginawang victim-blaming sa napatay na mag-ina.
Ang pagsibak kay Buraga ay kasunod ng hiling ni Bato Mayor Juan Rodulfo kay Catanduanes Police Provincial Director Col. Brian Castillo nitong Lunes na palitan ang hepe ng kanilang bayan lalo dahil nakakabahala ang kanyang pahayag sa social media.
Narito ang sinabi ni Buraga sa Facebook na kaagad din niya binura pero kaagad nakunan ng screen shot ng netizens: “Lesson learn[ed], kahit puti na ang buhok o ubanin na tayo eh matuto tayo rumispeto sa ating mga kapulisan… mahirap kalaban ang pagtitimpi at pagpapasensya,” post Buraga na ang tinutukoy ay ang napatay na 52-anyos na si Sonya Gregorio.
Sa video, maririnig ang sinabi ni Gregorio na “I don’t care” na linya sa kanta ng Korean Pop group na 2NE1 nang pagsisigawan ng 13-anyos babaeng anak ni Nuezca na “My father is a policeman”.
Ipinagtatanggol noon ng nakatatandaang Gregorio ang anak na si Frank Anthony Gregorio, 25, mula sa pagsapak at tangkang pag-aresto ni Nuezca.
Nang tanungin ng netizens kung sapat na ang mga katagang ‘yon para barilin ang matandang babae sa ulo, sumagot lang si Buraga ng “Opo” — kahit na kalaunan ay sinabi niyang mali parin ang pagpatay.
Samantala, nilinaw ni Buraga na kinokonedena niya ang pamamaslang ng kapwa nito pulis sa dalawa nitong biktima na mag-ina sa Tarlac, na makikita sa video na kalat na ngayon sa social media.
Sinabi ito ni Buraga matapos itong ulanin ng batikos dahil sa sinabi niya na dapat ay matuto tayo na rumespeto sa pulis kahit na maputi na ang ating buhok o ubanin na tayo para maiwasan ang tulad ng nangyari sa mag-inang Gregorio
Ayon kay Buraga, hindi niya sinisisi ang mag-ina sa video. Ipinaliwanag lang, aniya, na ang nais niyang iparating sa publiko ay hindi aabot sa punto ng pamamaslang ang pangyayari kung marunong lang rumespeto sa isa’t isa ang parehong partido.
Iginiit rin ni Buraga na mali talaga ang ginawa ni Nuezca.
Nabatid na nalusutan na ni Nuezca ang dalawang kaso nitong homicide noong 2019 dahil sa “lack of substantial evidence”. Nagkaroon narin siya ng mga kasong administratibo at dalawang beses nang nasuspinde.
Samantala, sinabi ni Pangulong Rody Duterte na na-shock siya nang mapanood ang video. Sinabi niyang double murder ito at hindi na dapat pakawalan pa sa pagkakulong.