Advertisers

Advertisers

Pagpaslang ng pulis sa mag-ina; at sa karumal-dumal na pagpatay sa mahistrado…SENADO PASOK SA TARLAC KILLINGS!

0 269

Advertisers

NAGKASUNDO ang mga senador na magdaos ng panibagong imbestigasyon sa sunod-sunod na mga kaso ng pagpatay, kasama na ang pamamaril ni P/SMSGT. Jonel Nuezca sa mag-inang sina Sonya at Frank Gregorio sa Tarlac.
Sa Senate Resolution 600 na may petsang Disyembre 21, 2020, lumagda sina Senators Sonny Angara, Nancy Binay, Grace Poe, Sherwin Gatchalian, Joel Villanueva at Majority Leader Juan Miguel Zubiri para alamin ang ginagawang hakbang ng Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensya sa mga kaso ng pamamaslang.
Una nang sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na hindi dapat bigyan ng awa ang pulis na wala ring habag na pumatay sa mag-inang nakaalitan nito.
Bukod sa Tarlac incident, nais din alamin ng mga mambabatas kung anong ginagawa ng PNP sa iba pang mga pangyayari, katulad ng pagkawala ng isang abogado, pagpatay sa isang mahistrado, huwes at isa pang abogado, doktor at journalist.
Dagdag pa rito ang mga dating kaso ng “ninja cops,” pulis na umano’y land grabber, illegal logger at iba pa.
“Wala nang takot, dahil tila hindi naman na yata sila napaparusahan. Kadalasan napo-promote pa nga..,” wika ni Binay.
Nais ng mga senador na makapagsumite ng kanilang development report ang PNP, kung meron, upang maipabatid din sa publiko ang kanilang mga paraan ng pagdisiplina sa mga tauhang nagkakasala. (Mylene Alfonso)