Advertisers
Ikinagalak ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagiging bukas ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III upang suportahan ang pagtatatag ng iisa na lamang departamento para sa kapakanan ng overseas Filipinos.
“Nagpapasalamat ako kay Senate President Tito Sotto sa kanyang pahayag at pagsang-ayon sa kahalagahan ng pagtatag ng Department of Overseas Filipinos. Creating DOFil is pursuant to our twin goals of rightsizing the government and improving the delivery of its various services,” ayon kay Go.
Sinabi ni Sotto na handa siyang suportahan ang pagpapasa sa Senado ng Senate Bill No. 1949 na layong mas gawing epektibo ang Department of Labor and Employment.
Ihahain niya ito sa mga kasamang mambabatas upang matalakay kapag muling nag-resume ang sesyon ng Kongreso sa Enero 2021.
“Sapol ito eh… tatamaan mo pa ‘yong concern ng bansa, which is ‘yung mga OFW… Kaya medyo magandang pag-usapan dito. Sa lahat ng departamento na gustong gawin, ito ‘yong inclined ako na suportahan,” ani Sotto.
Ipinunto ng Pangulo ng Senado na ang malaking bahagi ng pondo ng bansa ay upang pondohan ang benepisyo ng mga kawani ng gobyerno gayundin ng mga proyekto at programa nito.
Sa kanya namang pahayag, iginiit ni Go na sa pagtatatag ng DOFil, mas magiging epektibo ang trabaho ng lahat ng ahensiya ng gobyerno na may kinalaman sa overseas employment at migration.
“[It is] about time that we create a Cabinet-level, secretary-led department that will protect the rights and advance the interests and welfare of about ten percent of our population,” anang senator.
Ang SBN 1949 ay ikatlong bersyon ng inihaing panukala ni Go noon pang 2019. Ang huling bersyon ng panukala ay kumakatawan sa iisang posisyon ng buong executive branch ng government, kinabibilangan ng mga aheniyang maaapekuhan sa reorganization.
Para matiyak ang episyenteng paghahatid ng serbisyo, ang magiging bagong kalihim ay may kapangrihang mag-transfer, mag-alis, mag-reassign o mag-reorganize ng functional areas o responsibilidad ng bawat departmental office o operating unit.
Sa nasabing batas, mapagsasama ang Legal Assistance Fund at Assistance to Nationals Fund, na pinamamahalaan ng Department of Foreign Affairs, tungo sa iisang pondo na pamamahalaan na ng DOFil.
Higit dito, maisasaayos ng SBN 1949 ang probisyon ng One Country-Team approach sa paglalagay sa lahat ng officers, representatives, at personnel ng Philippine government na nakatalaga sa abroad, anuman ang kanilang mother agencies, sa ilalim ng liderato ng Ambassador o Consul General.
Matatandaan na sinertipikahang “urgent” ang DOFil ni Pangulong Rodrigo Duterte, nangangahulugan na dapat nang bilisan ng Senado ang pagpapasa nito.
“My proposed measure, SB 1949, is in response to the long-delayed clamor of overseas Filipinos and their families and other stakeholders,” sabi ni Go.
“Kaya, patuloy ang aking panawagan sa aking mga kapwa mambabatas na aprubahan ang panukalang ito.”
“…Sana, magkaroon tayo ng mas maayos na mekanismo para dinggin at rumesponde sa iba pang mga Pilipino na may hinaharap na problema abroad. Tungkulin nating protektahan at alagaan sila kahit nasaan man sila sa mundo,” giit niya. (PFT Team)