Advertisers
DAHIL naapektuhan ng pandemya ang maraming pribadong kompanya, namahagi si Senator Christopher “Bong” Go ng iba’t ibang ayuda sa mga manggagawa ng Dole Philippines Inc. na nawalan ng trabaho sa Polomolok, South Cotabato.
Namigay si Go at ang kanyang grupo ng meals, food packs, masks, face shields at vitamins sa may 469 benepisyaryo sa distribution activity na isinagawa sa Barangay Cannery Site gymnasium.
Tiniyak ng grupo ni Sen. Go na nasusunod ang health and safety protocols upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng coronavirus disease.
Bukod sa mga pagkain, nagkaloob din ang senador ng mga pares ng sapatos sa piling recipients. Nagbigay rin siya ng bisikleta at tablets para mga bata na magagamit nila sa blended learning na ipinatutupad ng mga paaralan.
Bilang tagapangulo ng Senate committee on health, ipinaalala niya sa mga benepisyaryo na laging sumunod sa government protocols, gaya ng palagiang paghuhugas ng kamay, social distancing, pagsusuot ng masks at face shields kapag nasa pampublikong lugar o kung maaari ay manatili na lamang sa bahay.
Muling inulit ng senador na kapag may available nang ligtas at epektibong bakuna laban sa COVID-19 sa bansa, uunahin ng pamahalaan ang mahihirap at vulnerable sectors, gayundin ang frontliners, teachers, medical workers at uniformed personnel.
“Marami po ang tinamaan sa panahon na ito. Marami po ang nawalan ng trabaho kaya magtulong-tulong tayo dahil marami ang umaasa sa atin sa panahon na ito. Huwag natin pabayaan ang kapwa nating Pilipino,” ani Go.
“Salamat rin kay Pangulong Duterte dahil sa kanyang pagmamalasakit sa ating kapwa Pilipino, sa mga kapwa ko. Sana po ay makatulong ang mga programang ito na maitawid kayo sa panahon ngayon. Alam ko naapektuhan tayong lahat sa krisis ngayon ng COVID-19,” aniya pa.
Personal nang namahagi ng ayuda si Go sa market vendors at tricycle drivers sa Pantukan, Davao de Oro.
Nasa 75 market vendors at 300 tricycle drivers na nawalan ng kabuhayan dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic ang nabigyan ng tulong sa Provincial Gym sa Kingking, Pantukan.
“Ngayong Pasko, patuloy lang po tayong mag-ingat dahil ang maayos na kalusugan at ligtas na komunidad ang pinakaimportanteng maibabahagi natin sa ating mga mahal sa buhay,” ang sabi ng mambabatas.
“Patuloy kaming tutulong sa mga Pilipino, lalong lalo na ang mga pinakaapektado sa pandemyang ito. Huwag po kayo mawalan ng pag-asa dahil hindi namin kayo pababayaan,” anang senador.
Sunod na binisita ni Go ang market vendors sa Carmen, Davao del Norte para magdala ng relief packages sa mga hindi pa rin nakababangon sa idinulot ng pandemya.
“Nabalitaan ko hirap na ang negosyo ng mga market vendors natin. Mahina talaga ang negosyo, lalo na noong nag-lockdown kaya nandito po ang [Department of Social Welfare and Development] para tumulong sa inyo. Bukod sa galing sa gobyerno, mayroon rin akong dala na personal kong tulong para sa inyo,” ayon kay Go.
Sa Quezon City, umaabot naman sa 615 kasapi ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) na patuloy na nagrerekober sa COVID-19 pandemic ang pinadalhan ng iba’t ibang tulong ni Sen. Go.
“Mga kababayan ko diyan, alam ko pong mahirap ang buhay niyo ngayon. Huwag kayong mag-alala, ang importante po’y malagpasan natin ang pandemyang ito at buhay po tayo. Ang importante, buhay tayo. Alam niyo ang pera ay pwede kitain, pero ang perang kikitain ay hindi po kailanman mabibili ang buhay,” ang panghihimok niya sa mga tsuper ng traysikel sa isang video call sa MRB Covered Court sa Brgy. Commonwealth, Quezon City. (PFT Team)