Advertisers
INUMPISAHAN na sa Maynila ang panghuhuli sa mga nagtitinda ng paputok at iba pang pailaw matapos ang desisyon ng Metro Manila Council (MMC) na magpatupad ngayong taon ng ‘firecracker ban’.
Alas-8:00 nitong Sabado ng gabi nang arestuhin ng mga tauhan ng Sta. Cruz Police Station 3 ng Manila Police District (MPD) si Louiz Reyes, 19, dahil sa pagtitinda ng mga paputok sa may Felix Huertas Street, Sta. Cruz.
Nakumpiska sa kaniya ang tatlong sinturon ni ‘Hudas’, 3 kahon ng ‘Piccolo’, 24 piraso ng ‘Lucia’, 5 ‘baby rockets’, 20 fountain, 1 “walis”, at iba pang uri ng mga paputok.
Noong nakaraang linggo ay pinirmahan ni MMC Chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang Resolution No. 19 na humihikayat sa mga lokal na pamahalaan na ipagbawal ngayong taon ang mga paputok at iba pang mapanganib na pailaw.