Advertisers
MAGIGING tunay na masaya at masagana para sa halos 10,000 mga regular na empleyado ng Manila City Hall ang pagsalubong Taong 2021.
Ito ay dahil pinirmahan na ni Manila Mayor Isko Moreno ang isang ordinansa na maglalaan ng tig-P10,000 na Service Recognition Incentive (SRI) o kabuuang P92.8 milyong grant, para sa may 9,282 regular personnel ng city hall, alinsunod sa Administrative Order No. 37 na inisyu ni Pang. Rodrigo Duterte noong Disyembre 18, 2020.
Ayon sa alkalde, ito’y isang munting paraan ng lokal na pamahalaan upang kilalanin at pasalamatan ang pagsusumikap, suporta at dedikasyong inilaan ng mga city personnel sa mga trabahong itinalaga sa kanila, kaya natitiyak ang tagumpay ng mga programang ipinatutupad nila ni Vice Mayor Honey Lacuna.
Binigyang-diin ni Moreno na walang proyekto ng lungsod ang maayos na maipapatupad kung hindi sa tulong, pagsusumikap at mahusay na pagtatrabaho ng kanilang mga empleyado, kahit pa sa panahon ng pandemya.
Samantala, pinuri rin at pinasalamatan ng alkalde ang Manila City Council, na pinamumunuan ni Lacuna at majority floorleader Atty. Joel Chua dahil sa mabilis na pagpapasa sa ordinansa para sa kapakinabangan ng mga rank-and-file employees ng lungsod.
Sinabi ni Chua na ang naturang SRI ay popondohan sa pamamagitan ng pagdaragdag sa Special Activities Fund – Personal Service Account mula sa Personal Service savings sa ilalim ng FY 2020 Annual Appropriations Ordinance.
Inaasahan ibibigay sa mga empleyado ang naturang SRI sa Enero, 2021. (ANDI GARCIA)