Advertisers
TODAS ang isang karnaper nang makaengkwentro ang mga pulis sa Malate, Maynila nitong Martes (Dec. 29) ng umaga.
Kinilala ni Manila Police District (MPD) Chief, Brig. Gen. Leo Francisco, ang napatay na si Ali Asgar Baraguer, 32-anyos.
Arestado naman ang tatlong kasamahan ni Ali na kinilalang sina Tojamir Baraguer, 34, Grab driver; Aivan Gulam, 43, tricycle driver; at Somaira Dimalao, asawa ni Ali. Ang mga ito ay tubong Cotabato City.
Ayon kay Francisco, nadatnan ang apat sa isang hotel sa Maynila.
Nagtago pa sa kisame ng hotel ang isa sa mga suspek, kaya inabot ng halos dalawang oras ang paghalughog ng mga otoridad bago ito masukol.
Nakuha sa lugar ang dalawang sasakyan na kinarnap ng mga suspek.
Kabilang dito ang isang Toyota Vios at isang Ford Raptor.
May nakuha ring isang baril at ‘di pa matukoy na halaga ng pera at mga gamit ng mga suspek.
Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya para matukoy ang mga kasabwat ng mga suspek at kung mayroon pa silang nabiktima.
(Jocelyn Domenden)