Advertisers

Advertisers

Listahan ng PACC ng corrupt politicians ‘di dumaan sa validation – Rep. Tan

0 243

Advertisers

DUMEPENSA si Quezon 4th District Rep. Angelina Helen Tan sa pagkakadawit ng kanyang pangalan sa listahan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na isinumite kay Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa mga kongresista na umano’y sangkot sa katiwalian.
Ayon kay Tan, hindi dumaan sa imbestigasyon o wastong validation ang listahan na ito, kaya hindi aniya malinaw sa kanya kung ano ang intensyon ng PACC sa pagdawit dito ng kanyang pangalan, na binasa ni Pangulong Duterte sa kanyang public address nitong Lunes ng gabi, Disyembre 28.
Mismong si Pangulong Duterte na rin aniya nagsabi na wala namang konkretong ebidensya na nagdidiin sa kanya at iba pang mga nadawit na kongresista sa issue ng korapsyon sa mga infrastructure projects.
Sinabi ni Tan na ang pagkakasama ng kanyang pangalan sa listahan ng PACC ay nag-ugat sa “botched up” project ng Department of Public Works and Highways noong 2016.
Ito ay ang Gumaca Bypass Road, na nagkakahalaga ng P800 million, at idinisensyo para mapaiksi ang travel time ng mga motorista sa Gumaca, Quezon.
Sa ngayon, may bahagi pa ng Gumaca Bypass Road na hindi pa nasesemento, pero umaasa ang kongresista na matatapos ito sa loob ng kanilang five-year timeframe.
Sa isang statement, binigyan diin ni Tan na dumaan sa “proper course” ang naturang proyekto para matiyak na mismong ang kanyang mga constituents at mga kalapit na probinsya ang magbebenepisyo nito.
Sinabi ni Tan na hangga’t maari ay ayaw niyang isipin na nagagamit sa politika ang PACC.
Kung mayroon man aniyang dapat imbestigahan ay hindi siya kundi ang contractor at DPWH, na siyang implementing agency sa binabanggit niyang proyekto.
Bukod kay Tan, kasama sa listahan ng PACC sina Representatives Josephine Ramirez Sato, Alfredo Vargas, Henry Ramil Juminal, Alicia Sienna Tan, Paul Daza, Eric Yap, at Geraldine Roman, at dating Congressman Teddy Baguilat. (Henry Padilla)