Advertisers
POSIBLENG matanggalan ng lisensya ang mga doktor na nagturok gamit ang hindi lisensyadong covid-19 vaccine.
Ito ang pahayag kahapon ni Health Secretary Francisco Duque III sa Laging Handa Press Briefing.
Ayon kay Duque, makikipag-ugnayan ang Department of Health (DOH) sa Philippine Regulatory Commission (PRC) upang malaman ang pananagutan ng mga doktor na nagturok gamit ang covid-19 vaccine mula sa China sa mga tauhan at miyembro ng Presidential Security Group (PSG) kahit na hindi pa ito aprubado ng Food and Drugs Administration (FDA).
“Makikipag-ugnayan po ang Departamento ng Kalusugan sa PRC para tignan kung ano po ba ang mga kalalabasan ng investigation, kung sino po ba ang mananagot,” ani Duque.
Magugunitang sinabi mismo ni Pangulo Rodrigo Duterte na karamihan sa mga sundalo ay nabigyan na ng covid-19 vaccine.
Kinumpirma naman ito ni Presidential Security Group (PSG) Brig. Gen. Jesus Durante na nakatanggap sila ng libreng covid-19 vaccine subalit tumanggi na pangalanan ang source nito. (Jonah Mallari)