Advertisers
UMABOT na sa 38,000 ang mga residente na nagpalista sa online registration para sa pagpapabakuna kontra sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) na inilunsad nila sa lungsod kamakailan. Ito ang inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno.
Ayon kay Moreno, sa ngayon ay patuloy pa ring nagpaparehistro ang mga residente sa lungsod na nais magpabakuna kontra COVID-19 sa kanilang official website na www.manilacovid19vaccine.com (manilacovac).
Ang naturang online registration ay matatandaang inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Maynila at Manila Health Department kamakailan para maging maayos ang pagrerehistro ng mga nais magpabakuna laban sa virus.
Tiniyak naman ng alkalde na wala ring problema kung buong pamilya ang nais magpabakuna dahil pipilitin nilang kayanin na magkaroon ng pondo para mabakunahan ang lahat ng residente ng lungsod ng Maynila.
Aniya, kung kukulangin ang hawak na pondo na P250 milyon, handa silang maglaan ng P1 bilyon para makabili at mabigyan ang lahat ng bakuna.
Umaasa rin sila na makakakuha ng 400,000 na bakuna para mabigyan ng libre ang nasa 200,000 Manilenyo.
Nilinaw naman ni Moreno na boluntaryo lamang ang pagsalang sa COVID-19 vaccination. (ANDI GARCIA)