Advertisers

Advertisers

3 AKUSADO SA DACERA CASE IGINIIT NA INOSENTE

0 283

Advertisers

HUMARAP sa media ang tatlo sa 11 akusado sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera matapos mapalaya ang mga ito Miyerkules ng gabi.
Napahagulhol ang isa sa pinalayang si John Paul Halili nang ikuwento ang dinanas na hirap dahil sa sitwasyon. Nanindigan siyang wala silang kasalanan sa pagkamatay ni Dacera. Huwag daw sana silang husgahan agad ng publiko.
Paglalahad pa ni Halili, nagpunta sila sa police station para magbigay ng salaysay pero agad silang inaresto.
Si Rommel Galido naman, inihayag ang nararamdamang sakit para sa pamilya ni Dacera na aniya’y itinuring niyang malapit na kaibigan at itinuring niya na parang kapatid.
Sa panig ni John Pascual Dela Serna, umaasa itong maliliwa-nagan ang pamilya ni Dacera.
Tikom naman ang mga ito kung ano ang nangyari sa panahong kasama nila sa party noong New Year’s eve sa isang hotel sa Makati si Dacera.
Samantala, nagtungo at humarap nitong Huwebes sa tanggapan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region sa Camp Crame ang dalawang abogado ng mga respondent sa pagpatay kay Dacera na sina Atty. Mike Santiago, abogado ni Gregorio De Guzman; at Atty Paul Malapote, abogado ni Jammyr Cunanan.
Bitbit ng dalawang abogado ang position paper ng kanilang respondent at nakipagkita kay CIDG-NCR Chief, Col. Randy Silvio.
Ayon sa dalawang abogado, natanggap nila ang subpoena na ipinadala ng mga pulis nang ipag-utos ni PNP Chief, General Debold Sinas, na sumuko ang kanilang mga kliyente.
Hinihintay pa ng mga abogado ang preliminary investigation sa kaso at doon na ihaharap ang kanilang mga kliyente.
Sinabi ni Sinas na 3 araw ang ibinigay niya sa mga akusado na sumuko, at kung hindi sila ihaharap ay ipapa-contempt.
Ayon kay Col. Silvio, hindi pa nila matukoy ang lokasyon ng lima pang respondents sa kaso.
Rerebyuhin naman nila ang position paper na isinumite ng dalawang abogado na humarap para sa kanilang mga kliyente.
Ayon naman kay PNP Spokesperson, Brig. Gen. Ildbirandi Usana, bahagi ng ‘due process’ ang pagpapalaya sa tatlong akusado sa Dacera “rape-slay” case.
Siniguro ni Usana na magpapatuloy ang imbesti-gasyon ng PNP CIDG sa kaso ni Dacera sa kabila ng naging resolusyon ng Makati court na palayain ang tatlo dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Siniguro ni Usana mananaig parin ang rule of law.
Nagsasagawa ngayon ng tracking operations ang CIDG laban sa mga at large na akusado na nakita sa CCTV footage.