Advertisers
PINABULAANAN ni Caloocan City Treasurer, Analiza Mendiola, ang mga sinabi ng ilang oposisyon na konsehal na humihingi ng ulat ng lungsod hinggil sa mga gastusin sa COVID-19.
Iginiit niya na regular na isinusumite ng kanyang opisina ang disbursement reports sa tagapangasiwa ng City Council bilang pagsunod sa itinakdang ordinansa sa panuntunang inilaan para sa mahigit P1 bilyong ‘supplemental funds’ bilang tugon ng lokal na pamahalaan laban sa pandemya.
Sinabi ni Mendiola na mayroon siyang katibayan na tinanggap ng secretariat ng City Council ang mga ulat tungkol sa mga naging gastusin.
“Mahigit kumulang na 65 libong tablets ang ipinamahagi sa mga estudyante ng grade 9 to 12, at 2 milyong food packs ang naipamahagi mula noong Marso hanggang Disyembre. Isama pa natin ang 750 million na cash-aid na ibinigay sa mga taga-Caloocan tulad ng sa mga mag-aaral ng UCC, mag-aaral ng pampublikong high school at elementary sa lungsod at iba pa,” ayon kay Mendiola.
Nagtataka naman si Konsehal Dean Asistio sa mga naglabasang balita kasi alam ng mayorya na kumpleto ang mga report.
“Nakuryente ang mga miyembro ng minorya sa kanilang pinagsasabi. Palibhasa puro pamumulitika ang nasa isip kaya mali ang mga diskarte. Kompleto po ang mga report kaya hindi dapat mabahala ang aming mga kababayan dito sa Caloocan,” sabi ni Asistio.
“Mabuti pa na umikot sila sa Caloocan para malaman kung nararamdaman ng mga taga-Caloocan ang serbisyo ng buong administrasyon,” saad ni Konsehal Asistio.
“Sa gitna ng patuloy na banta ng COVID-19 at ang ulat sa pagkakaroon ng panibagong strain, higit na kailangan ng Caloocan City ang suporta ng konseho para mabilis na maimplement ang mga programa ni Mayor Oca para sa kaligtasan at kalusugan ng lahat ng taga-Caloocan. Insensitive nalang ang sinumang opisyal na gagamitin ang pamumulitika sa panahon ng pandemya,” ayon pa kay Asistio.