Advertisers
NAGBABALA si Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng motorista na mahigpit na ipinagbabawal at kukumpiskahin ang kanilang iiwanang mga sasakyan malapit sa ilang lugar at paligid ng Quiapo sa mismong araw ng Pista ng Itim na Nazareno, Jan. 9.
Sa isang panayam, muling inulit ni Moreno na ang road closures ay istriktong ipatutupad at walang exception dito at ang lokal na pamahaalaan na kanyang pinamumunuan at ni Vice Mayor Honey Lacuna ay nakapaglatag na ng mga posibleng suporta sa mga kapulisan at Simbahan para sa maayos at payapang selebrasyon ng Pista ng Itim na Nazareno.
Ayon kay Lacuna, ang mga health personnel at mga ambulansya ay naka-standby upang tumugon sa mga emergency na pangangailangan.
“Pakiusap, ‘wag kayong mag-iiwan ng sasakyan, motor o bisikleta.. anything that we see that are unnecessary in the streets near and around Quiapo, Plaza Miranda, Carriedo, Quezon and Avenida ay amin pong kukumpiskahin. Pasensiya na po,” sabi ni Moreno
Sa kabila na magpapamudmod ang pamahalaang lokal ng libreng face masks at face shields sa mga dadalo sa mga naka-scheduled na misa sa Quiapo Church bilang bahagi ng selebrasyon ng Pista ng Itim na Nazareno ay muling iginiit ni Moreno ang kanyang kahilingan sa milyun-milyong deboto na iwasan na ang Quiapo at sa bahay na lamang manampalataya.
Sinabi pa ng alkalde na ang misa sa Pista ng Itim na Nazareno ay ie-ere ng live sa pamamagitan ng online. Kaya naman hinihikayat niya ang lahat ng deboto at mananampalataya na sa bahay na lamang makinig ng misa.
“Hanggat maari, ‘wag na kayong dumapo sa Quiapo…manalangin tayo ng taimtim sa Diyos.. marami namang kaparaanan na lalong mapalapit sa Panginoon at tumatag ang ating pananalig sa kanya. Ito ay para sa kaligtasan ng lahat,” ayon pa kay Moreno.
Binanggit ni Moreno na milyung-milyon ang dumadalo sa taunang ‘Traslacion’ o prusisyon na siyang pinakatampok sa selebrasyon ng Pista ng Itim na Nazareno at ito ay bahagi na ng kasaysayan.
Sa kasalukuyan, ayon kay Moreno ay mayroong 2,900 average active COVID cases sa Metro Manila at idinagdag pa nito na sa Maynila ay napapanatili ang 300 margin ng active cases sa loob ng nakalipas na dalawang buwan at may posibilidad din na may mga asymptomatic carriers na hindi pa natutukoy at nagkakalat pa ng virus.
“We are still looking at the effects of the last two weeks of December and the first week of January. ‘Yung pagkakadikit-dikit ng tao, lalaki ang posibilidad na magka-impeksyon. All we need is one person na super spreader kaya kung maaari, ‘wag na kayo magpunta ng Quiapo,” apela ni Moreno.
Personal din nagtungo si Moreno, isang araw bago ang Pista ng Itim na Nazareno upang personal na siyasatin ang preparasyon na naglalayong maiwasan ang pagdagsa ng deboto, kasabay din ng pansamantalang pagbabawal sa mga vendors sa paligid ng Quiapo at pagpapaalala sa mga opisyal ng barangay na gamitin ang kanilang audio equipment upang paalalahanan ang publiko na obserbahan ang minimum health protocols.
Samantala, lahat ng klase sa lahat ng level sa pampubliko at pribadong paaralan, maging sa pampubliko at pribadong tanggapan ay kanselado sa araw ng Sabado, Jan. 9. (ANDI GARCIA)