Advertisers
NAGHIHIMAS na ng rehas na bakal ang dalawang may kasong panggagahasa matapos mahuli sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Nueva Vizcaya at Isabela.
Pinangunahan ni Police Maj. George Maribbay, hepe ng PNP Bayombong, Nueva Vizcaya, ang pag-aresto kay Ronald Cuestas Sr., 37-anyos, ng Purok 4, Vista Alegre, Bayombong, Nueva Vizcaya na No. 1 most wanted sa municipal level ng nasabing bayan.
Inaresto si Cuestas sa Alabang, Muntinlupa City kungsaan ito nagtatago sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Cicero B Jandoc ng RTC Branch 29, Bayombong, Nueva Vizcaya, sa kasong rape at rape by sexual assault.
Samantala, natunton ng tracker team ng Reina Mercedes Valley Cops sa pamumuno ni Police Captain Christopher Danao sa Hinulugang Taktak Road, Barangay Dela Paz, Antipolo City, Rizal ang No. 2 Most Wanted Person Municipal Level sa Reina Mercedes, Isabela ang isa pang akusado ng ‘abduction with rape’ na si Renato Valdez, 29, ng Brgy. Turod, Reina Mercedes.
Inaresto si Valdez sa bisa ng ‘Alias Warrant of Arrest’ na inisyu ni Hon. Isaac De Alban, Presiding Judge, Branch 16, City of Ilagan, Isabela. (Rey Velasco)