Advertisers
PINAMAMADALI ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.
Ayon kay Guevarra, umaasa siyang sa susunod na linggo o pagkatapos ng 10 araw ay mayroon nang resulta ang isinasagawang ‘parallel investigation’ ng NBI.
Sinabi ni Guevarra na nitong Lunes ay ipinatawag ng NBI ang mga indibidwal na nasa hotel na nakasama ni Dacera bago ito mamatay.
Pati aniya ang mga indibidwal na nasa kabilang hotel rooms na naka-check in noong naganap ang insidente ay ipapatawag din ng NBI para magbigay ng kanilang testimonya.
Madali lamang aniya makilala ang mga ito dahil nasuri narin ng NBI ang mga CCTV footages sa hotel partikular sa reception, entrance, lobby, corridor maging sa loob ng elevator.
Samantala, kasalukuyan nang sinusuri ng forensic expert ang sample tissues na nakuha mismo ng NBI sa bangkay ni Dacera bago ito inilibing nitong Linggo.
Sinabi ni NBI Spokesperson, Deputy Director Ferdinand Lavin, na dumating na nitong Linggo ang sample tissue at isasailalim na ito sa forensic examination.
Ang resulta naman ng imbestigasyon sa samples na nakuha ng NBI sa City Grand Hotel sa isinagawa nilang crime scene investigation ay asahang ilalabas sa susunod na linggo.
Tiniyak ni Lavin na sa pamamagitan ng imbestigasyon ng NBI, lalabas ang katotohanan kung ano talaga ang nangyari bago mamatay ang flight attendant.
Samantala, iniimbestigahan ngayon ng Philippine National Police-Directorate for Investigative and Detective Managament (PNP-DIDM) ang police officers ng Makati na nagsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Dacera.
Aniya, aalamin ng PNP-DIDM ang naging lapses ng mga tauhan ng PNP Makati sa pag-iimbestiga sa krimen.
Sinabi ni PNP Chief, General Debold Sinas, na binibigyan niya ang DIDM ng hanggang Miyerkules, January 13, para tapusin ang imbestigasyon sa mga pulis ng Makati.
Ginawa ang imbestigasyon sa mga pulis ng Makati dahil sa pahayag nilang ginahasa si Dacera at pinatay sa kabila na wala pang nakukuhang matibay na ebidensya.
Bago ito, una nang inutos ni Sinas na paganahin ang Special Investigation Task Group kay Dacera na pinamumunuan ng PNP CIDG para mas matutukan ang kaso.
Sa ngayon, ayon kay NCRPO Chief General Vicente Danao Jr., mas nagiging masusi ang ginagawang imbestigasyon at mas maigi aniyang hintayin na lamang ang resulta ng imbestigasyon.(Jocelyn Domenden)