Advertisers
ARESTADO ang dalawang miyembro ng Kidnap for Ransom Group (KFRG) na kumidnap sa isang estudyante sa isinagawang operasyon ng mga elemento ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP AKG) sa Bustos, Bulacan.
Kinilala ang mga nadakip na sina Ma. Rachel Erica Gonzales at Laurence Liembo.
Samantala, pinaghahanap pa ang mastermind ng grupo na si Jhon Paolo Gonzales alyas Pao/ Badboy/ Mate/Da.
Sinasabing si Gonzales ang may-ari ng Mitsubishi Strada Pick-up (CAO-7864) na ginamit sa pagkuha ng ransom, at si Liembo naman ang bantay sa safe house kungsaan itinago ang biktima.
Positibong kinilala ng biktima na si James Elijah Yap ang dalawang nadakip na suspek.
Dinukot si Yap ng 6 katao noong Dec 31, 2020 sa 11th St., Brgy. Mariana, New Manila habang nagbibisekleta at sapilitan isinakay sa isang Nissan Urban (NBP 9345).
Noong Jan 1, 2021, nakatanggap ng tawag ang pamilya ni Yap mula sa mga kidnapper na humihingi ng P200 million ransom kapalit ng pagpapalaya sa biktima.
Sa pakikipagtulungan ng pamilya Yap sa PNP – AKG nagkaroon ng negotiation at nagkasundo na magbibigay ng P1.5 million ang pamilya Yap kapalit ng paglaya ng biktima.
Noong Jan. 5, pinalaya ng mga suspek ang biktima sa San Marcelino St., Ermita, Manila nang magbayad ang pamilya Yap ng P1.5 million sa kahabaan ng highway sa Brgy. Malamig, Bustos.
Natukoy ng mga otoridad ang Mitsubishi Strada Pick-up (CAO-7864) na pag-aari ni Gonzales na siyang ginamit ng mga suspek sa pagkuha ng ransom nang beripikahin sa Land Transportation Office (LTO).
Sa follow up operation, naaresto si Liembo habang nakikipag-inuman sa Obando, Bulacan nitong Lunes.(Mark Obleada)